HINDI sa local kundi sa pang-international na biyahe ng barko nakapasok si Kuya Jeff. Si Papa ang gumawa ng paraan para makasampa sa barko. Sabi nga ni Papa, kung kailangang may pekein sa dokumento ni Jeff ay gagawin niya para lamang ito makaalis. Ganoon kabait si Papa sa kabila ng pagiging istrikto nito.
"Magsimula ka muna bilang taga-tiktik ng kalawang Jeff," sabi ni Papa nang okey na ang mga papeles.
"Opo Papa. Kayang-kaya ko naman yan. Sa barko talaga ang gusto kong trabaho."
"Baka naman kapag nasa barko ka na e kung anu-anong kalokohan ang gawin mo roon," sabi ni Ate Cora.
Hindi sumagot si Kuya Jeff.
"Ipadala mo lahat sa akin ang suweldo mo. Kapag may naiwan sa bulsa mo, tatamaan ka sa akin."
Si Papa ay lumayo na sa dalawa. Hinayaang mag-usap ang mag-asawa. Pero halata ko, maski si Papa ay hindi nagugustuhan ang pagiging nagger ni Ate Cora. Habang tumatagal ay nagiging suspetsosa, mapaghinala na wala namang batayan. At alam ko, na higit pa roon ang nangyayari sapagkat nakikita ko kung paano niya sinasampal si Kuya Jeff lalo na noong ito ay wala pang trabaho.
Gaya noon, isang umaga ay galit na tinawag si Kuya Jeff at tinanong kung bakit may mantsa ang damit na pampasok niya sa unibersidad.
"Ano bang ginawa mo rito?"
"Naisama ko kasi sa de-kulay."
"Ang tanga mo kasi."
Nagpakita ng paglaban si Kuya Jeff na lalo namang nagpakawala sa galit ni Ate Cora.
"Tangna ka huwag mo akong sisigawan," sabay sampal sa mukha ni Kuya Jeff.
Hindi lumaban si Kuya Jeff. Pinabayaan lamang ang asawa. At makalipas lamang ang ilang minuto ay sinusuyo na nito si Ate Cora. Siya na ang nasampal ay siya pa ang nag-sorry.
Maraming beses ko pang nakita na sinasaktan ni Ate si Kuya Jeffrey.
Nagre-review na ako sa board exam nang makasakay sa barko si Kuya Jeff. At nang umalis ang asawa ay saka ko nakitang umiyak si Ate Cora. (Itutuloy)