Laro sa Putikan (7)

MARAMI pa nga akong hindi alam. Ang katulad ko ay isang probinsiyana na kasasampa pa lamang sa siyudad. Sinisi ko ang sarili dahil hindi ako naglakas-loob lumabas sa Al-Khobar noong naroon pa ako. Kung naging malakas ang aking loob baka nakabisado ko ang Al-Khobar. Ang tanging alam kong puntahan sa lugar na iyon ay ang Al-Shoula shopping center na ilang metro lamang ang layo sa clinic na aking pinagtatrabahuhan.

Nanghihinayang ako at hindi napuntahan ang pinakamataas na building doon na umano’y pag-aari ng isang prinsipe. Nagkasya na lamang ako sa ikinukuwento ng mga Pinay at Pinoy na nagpapakunsulta sa clinic.

"Hindi ba kayo pinapayagang lumabas dito sa clinic, Kabayan?" natatandaan kong tanong ng Pinay na nagpakunsulta sa kanyang bukol sa dibdib.

"Pinapayagan naman. Hindi lang talaga ako mahilig lumabas," sagot ko.

"Subukan mong mamasyal at nang may makilala ka namang mga kababayan."

Pero hindi ko nagawang lumabas dahil natatakot ako sa doktor na may-ari ng clinic. Hanggang sa makauwi na nga ako sa Pilipinas ay wala akong gaanong napasyalan sa Al-Khobar.

"Dito sa Riyadh ay maraming kuwento ang mga Pinoy. Kapag napunta ka sa Batha ay marami ka pang matutuklasan." sabi ni Remy.

"Anong Batha?" tanong ko.

"Lugar yon. Sikat na lugar dito sa Riyadh. Pasyalan at pamilihan ng mga Pinoy. Pero tagpuan na rin ng mga nalulungkot na kaluluwa."

Napataas ang aking kilay.

Minsan isang Biyernes ay isinama ako ni Remy sa Batha. (Itutuloy)

Show comments