Jamias (Ika-96 labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 5 Command)

ISA sa mga katangian ni Jamias ay hindi marunong sumuko sa anumang laban. Isang katangiang bihira na ring makita sa mga pulis na katulad niya. Nakakatulad niya ang prinsipyo ni dating US President Abraham Lincoln at British statesman Winston Churchill na pawang hindi sumuko sa mga laban ng kanilang buhay. Sabi ni Lincoln, mabagal daw siyang lumakad subalit kailanma’y hindi siya umurong o umatras. Tuloy ang kanyang lakad at paglaban. Sabi naman ni Churchill, "huwag na huwag kang bibigay o susuko sa anumang laban..." Ang dalawang magigiting na lalaki ay kinilala sa buong mundo at hanggang ngayon ay sinasambit ang kanilang pangalan.

Kahalintulad ng prinsipyo ng dalawang nabanggit si Jamias. Hindi rin siya sumusuko sa anumang pagsubok o laban.

Bago nailipat sa Station 5 na kanyang pinamumunuan sa kasalukuyan, nanggaling muna si Jamias sa Station 2. Makulay at marami ring kinaharap na pagsubok si Jamias sa Station 2 na hinawakan niya sa loob nang mahigit isang taon.

Isa sa mga taong nakilala niya habang nasa Station 2 ay si Teresita Lumactod na ngayon ay barangay chairman ng Baseco Compound sa Port Area, Manila.

Noon pa ay nakikita na niyang may potential na maging lider si Lumactod sapagkat sanay na sanay itong makiharap sa tao. Mahusay makisama. Hindi nga siya nagkamali sapagkat ito ang naging lider sa Baseco Compound. Pero sa kanyang isipan, hindi rin naman maalis na may nakikita siyang maaaring masamang mangyari kay Lumactod.

Nang malipat si Jamias sa Station 5 noong Nobyembre ng nakaraang taon, ay isa si Lumactod sa mga tumawag sa kanya para batiin siya sa pagkakalipat sa nabanggit na station. Ang Baseco Compound ay sakop ng station 5 na hawak ni Jamias.

Akalain ba ni Jamias na ang nakita niyang premonisyon noon kay Lumactod ay magaganap kamakailan lang?

Isang linggo makaraan ang malaking sunog sa Baseco noong January 12, 2004, isang madugong krimen ang naganap sa loob niyon. Pinatay ang isang Social Worker. Napagkamalan. Ang target talaga ng killer ay si Lumactod.

Mabangis ang batambatang killer subalit hindi nakaligtas kina Jamias.

(Itutuloy)

Show comments