WALA nang iba pang sinabi si Bgy. Baseco chairwoman Teresita Lumactod kay Jamias bastat ganoon lang, "may masamang mangyayari". Subalit lingid kay Lumactod, gumagana ang isipan ni Jamias sa pagkakataong iyon. Sa matalas niyang isip may nakikita siyang magaganap sa Baseco at malagim. Nakikita niya ang mga mangyayari na walang ipinagkaiba sa nakita na niya bago pa mangyari ang malaking sunog sa Baseco noong January 12. Isang kakayahan kaya iyon ng isip na taglay ng isang pulis na tulad niya? Ewan ni Jamias pero malakas ang kanyang kutob na may mangyayari.
Pinaghanda niya ang kanyang mga pulis sa bisinidad ng Baseco. Kailangang mabantayan ang lugar na iyon.
Isang araw makalipas ang sunog ay nagtungo roon si President Gloria Macapagal-Arroyo. Dinalaw ang mga nasunugan at nakiramay. Nagbigay ng mga pagkain. Naging lubhang abala sina Jamias. Nakita siya ng Presidente sa pagkakataong iyon. Iyon ang ikatlong pagkakataon na nagkita sila ni Presidente Arroyo.
Isang linggo ang nakalipas, naganap ang matagal nang nakikita ni Jamias.
Dakong 5:30 ng hapon noong January 19, nang tumawag sa kanyang opisina si Lumactod. May nagaganap na barilan sa Baseco. Walang sinayang na panahon si Jamias at mabilis na nagtungo roon.
May patay na! Isang social worker na tumutu-long sa pagdi-distribute ng mga pagkain sa evacua- tion center. Binaril si Maria Eladia Gelbuena, 47. Sa batok ito tinamaan. Malapitan ang pagbaril. Ang gunman ay isang 23 anyos na lalaki.
Hinabol ng mga alertong pulis ni Jamias ang gunman at nahuli makaraan ang matinding barilan. Tinamaan sa hita ang gunman.
Pero ang nakahihindik, ang social worker na binaril ay napagkamalan lamang. Hindi siya ang tunay na target.
(Itutuloy)