TINAPATAN ni Jamias ang mababangis na Martillo Gang na muling nabuhay makaraang mailipat siya sa Station 11 na sumasakop sa Binondo area. Para bang hinamon siya at tinotoo ang bantang magsasabog ng lagim sa kanyang nasasakupang lugar.
Ilan pang madudugong panghoholdap ang kanilang isinagawa at hindi lamang mga jewelry shop ang naging target kundi mga banko na rin.
Isa sa mga hinoldap ay ang Equitable Bank na madali rin namang nalutas dahil sa mabilis na pagresponde nina Jamias sa crime scene.
Isang holdaper ang napatay makaraang barilin ng security guard na si Romeo Armonio. Ang pagkakapatay sa holdaper ang naging lead para matugis ang iba pang miyembro ng Martillo Gang. Natukoy ang hideout at ilan pa ang natimbog.
Ang unti-unting pagkakadakip sa mga miyembro ng Martillo Gang ay naging dahilan para maging masigla ang business sa Binondo at kalapit na lugar ng Tsinoy community. Kaya naging bukambibig ang pangalan ni Jamias sa buong Binondo. Walang ipinagkaiba sa ningning na kuminang sa Station 3 na kanyang pinanggalingan. Ang layunin na maging matahimik ang Chinese community ay natupad dahil sa pagsisikap ni Jamias. Ang lahat ng iyon ay nakikita naman ni Manila Mayor Lito Atienza at WPD chief Director Pedro Bulaong.
Isang araw, nagulat si Jamias sa ibinalita ng isa niyang tauhan.
"Congrats Colonel," sabi at kinamayan siya.
"Congrats saan?"
"Isa ka sa napili para tumanggap ng Bayaning Pulis Award."
Sa isang iglap parang lumutang si Jamias at pakiramdam niyay tumapak sa mga ulap. Ang pagsisikap niyay mayroon na namang katumbas. Ang pasasalamat sa Diyos ang unang namutawi sa kanyang mga labi, "Salamat Panginoon ko."
(Itutuloy)