HULI na nga ang lahat bago naisip ni Jamias na magbigay ng warning shots. Binaril niya ang pusher na tinamaan sa kanang hita. Kalibre .45 ang ginamit ni Jamias. Pero kahit na may tama na, pinilit pa ring makalayo ng suspect at desididong tumakas. Pero hindi na niya kayang tumakbo pa sapagkat may nakatimo ng bala sa kanya. Hindi na nakalayo ang suspect at napalugmok. Dumaing sa sakit.
Hindi naman nagkulang si Jamias at mabilis ding dinaluhan ang suspect. Tinulungan at mabilis na isinugod sa Ospital ng Maynila. Tiniyak ni Jamias na ligtas sa kamatayan ang suspect bago umalis sa ospital.
Hindi na hinayaan pa ni Jamias na arestuhin siya dahil sa pamamaril sa tumatakas na suspect. Kusa niyang isinuko ang kanyang service firearm at tinanggap ang kaparusahan sa nagawa niyang pagkakamali.
Ni-relieve nga siya bilang Deputy Chief ng WPD Narcotics Division at inilipat bilang officer-in-charge ng Civil Disturbance Control (CDC) ng WPD-Police Station 9.
Nang umuwi siya ng bahay ng gabing iyon ay hindi maitago ang kanyang lungkot. Bagamat tinanggap niya ang pagkakamali medyo may bigat din sa dibdib sapagkat nagawa rin na-man niya iyon dahil sa pagtupad sa tungkulin. Kung hindi niya napaputukan ang pusher baka nakatakas na iyon at hindi na nahuli. Magpapatuloy sa pagtutulak ng shabu at magdaragdag sa mga gagawa pa ng krimen sa lipunan. Pero ang batas ay batas at kailangan niyang sumunod.
Napuna ni Goody ang katamlayan niya.
"May problema ka ba Love?"
Ikinuwento niya.
Nang marinig ni Goody ay napabuntunghininga ito at saka ibig mapaiyak. Pero pinigil niya ang asawa.
"Huwag kang umiyak, bahagi ito ng buhay pulis. Kaya ko to," sabi niya.
(Itutuloy)