"PARE-PAREHO naman kayong mga pulis. Mga mukhang pera," sabi ng lalaking kausap ni Jamias sa telepono. Ang lalaking iyon ang nagtungo sa kanyang opisina at inaarbor ang drug pusher na si Ivan So. Inalok muli si Jamias ng P100,000 para palayain ang drug pusher pero gaya ng dating sagot ni Jamias. Hindi!
"Kung ang ibang pulis kaya mong tapalan ng pera, ako hindi!" sabing mariin ni Jamias.
"Pare-pareho lang kayo ng balat hindi ba," sabi pa ng lalaki sa tinig na nang-iinis. "Huwag ka nang magmalinis."
"Hindi ako mapo-promote sa tungkulin kung gumagawa ako ng masama. Malinis ang record ko."
"Talaga?"
"Oo kaya tigilan mo na ako at hindi mo ako kayang bilhin."
"Pagbabayaran mo ito Jamias. Itutumba ka namin kapag hindi mo pa pinalaya si Ivan."
"Gawin nyo na lang hindi yung puro kayo salita."
Binagsakan niya ng telepono ang lalaki.
Pagkaraan niyon, isa pang bigating pusher sa Pandacan, Maynila ang kanyang inaresto at inaarbor din sa kanya. Pinangakuan din siya ng malaking halaga ng pera. Miyembro rin ng big time drug syndicate ang inaresto niya.
Makaraang kasuhan ang pusher ay dalawang lalaki ang nagtungo sa kanya. Nalaman niya ang isa roon ay tiyuhin ng pusher na kanyang ipinakulong.
"Malaking halaga ang ibibigay namin kapalit ng paglaya ng pamangkin ko," sabi ng tiyuhin.
"Ganoon ba?" tanong ni Jamias.
"Oo. Kung gusto mo dadagdagan pa namin," sabi pa ng tiyuhin.
"Sige. Sandali lang ha?"
Tinawag ni Jamias ang dalawa sa kanyang tauhan.
"Posasan nyo na ito at isama sa pamangkin niya," utos ni Jamias. Kinasuhan niya ng panunuhol ang lalaki.
Sa ipinakitang katapatan ni Jamias sa tungkulin, pinarangalan siya at tumanggap ng pagkilala. Ipinagmamalaki siya ng pamunuan ng Western Police District.
(Itutuloy)