JAMIAS 'Kakaibang regalo' (65)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station2 Command)

ISANG puting kabaong ang idineliber kay Jamias ng umagang iyon. Noon ay si Jamias pa ang hepe ng anti-narcotics unit ng Western Police District (WPD). Hindi na mabilang ang mga drug pushers na kanyang ipinakulong.

"Sir, me padalang regalo sa inyo," sabi ng isa niyang tauhan.

"Ipasok mo na rito sa loob," sagot naman niya.

"Sir malaki e."

"Walang problema. Malaki naman itong opi-sina."

"E sir baka hindi magkasya."

"Ipasok mo na," sabing mariin ni Jamias.

Kakamut-kamot ng ulo ang tauhan niya.

Maya-maya e ipinasok ng tauhan, katulong ang iba pa na dalhin ang "regalo".

"Sir eto na o," sabi ng tauhan.

Gustong mapahagalpak ng tawa si Jamias.

"Putsa, di mo sinabing kabaong."

"Di ka naman nagtatanong Sir e."

"Kanino galing ‘yan?"

"Sir walang nakalagay kung saan nanggaling pero may kapirasong note sa loob."

"Anong nakalagay?"

"Eto sir babasahin ko: JAMIAS, KAPAG HINDI MO KAMI TINIGILAN, DITO KA ILALAGAY. Iyan lang sir."

Napailing-iling si Jamias. Nahuhulaan na niya kung kanino galing iyon, sa lider ng sindikato ng Bamboo drug syndicate. Madalas na siyang pinagbabantaan ng nabanggit na sindikato. Isang miyembro nito ang kanyang naipakulong at inaareglo sa kanya. Tinanggihan niya.

"Sir, anong gagawin namin dito sa kabaong?" tanong ng tauhan.

"Sibakin n’yo para maigatong. Ganyan ang gagawin natin sa mga nagtutulak ng shabu," sabing matalinhaga ni Jamias.

(Itutuloy)

Show comments