Jamias (Ika-32 labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 2 Command)

Nagkanya-kanyang cover ang mga bata ni Jamias nang magpaulan ng tingga si Macmod. Ang isa sa mobile car na pinamumunuan ni SPO3 Cocson ay mabilis na nakabuntot sa Pajero ni Macmod. Nakaabang naman ang isa pang mobile car (no. 341) sa di-kalayuan at naipit na sina Macmod. Biglang itinigil. Umangil ang mga gulong ng Pajero na bilang pagpreno. Sa likuran ng Pajero nakita ni Jamias ay may isang motorsiklong nakakabit at nakasakay ang isang lalaki. Mabilis namang tumakbo ang nakasakay sa motorsiklo subalit hindi nakaligtas sa mga nakaposisyong mga pulis. Para itong dagang nasukol.

"Sumuko ka na Macmod!" sigaw ni Jamias makaraang tumigil ang Pajero. May pitong metro ang layo ni Jamias sa nakatigil na Pajero. Walang kumikilos sa loob. Tahimik na tahimik. Nagpapakiramdaman.

"Ibaba mo ang armas mo. Wala na kayong tatakbuhan!" sigaw muli ni Jamias. Wala pa ring sagot.

"Alisto kayo Manlutac, Ramirez! Lalapitan ko ang Pajero," sabi ni Jamias.

"Alalay mo kami, Sir," sagot nina Manlutac at Ramirez.

Lumapit si Jamias sa nakaparadang Pajero. Maingat na maingat ang kanyang mga hakbang. Maaaring ang nangyari sa dalawang pulis niyang inambus sa Quiapo ay mangyari rin sa kanya. Pero buo ang loob niyang mahuhuli si Macmod patay o buhay.

Hang-gang sa makita niya na biglang bumukas ang kanang pinto ng Pajero, payukong lumabas ang babae at isang lalaki na kung hindi siya nagkakamali ay si Macmod. Gumapang ang dalawa.

"Tigil," sigaw ni Jamias.

Subalit sa halip na tumigil, tumayo si Macmod at ginawang hostage ang kasamang babae.

"Papatayin ko ‘to!" sabi ni Macmod.

"Sumuko ka na!" sigaw ni Jamias.

"Gago ka Jamias!"

Binaril siya ni Macmod.

(Itutuloy)

Show comments