Jamias (Ika-31 labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 2 Command)

ALAS-siyete ng gabi noong March 31, 1999 nakatanggap ng tawag si Jamias sa kanyang impormante.

"Colonel, nasa Jacobo St. po si Macmod..."

"May mga kasama?"

"Meron. Nakasakay sila sa isang itim na Pajero."

"Nakuha mong plaka?"

"Oo. TTC-886."

"Good."

Inalarma ni Jamias ang kanyang mga pulis na sina SPO4 Edgar Ramirez at SPO1 Mario Manlutac.

"Eto nang hinihintay natin. Paghandain n’yo pa ang ibang kasama natin. Me operasyon tayo ngayon din."

Isang team mula sa Station 9 na pinamunuan ni Chief Insp. Ferdinand Ampil, isang SWAT Team mula sa WPD HQS at dalawang mobile cars (body marking 324 at 341) na pinamumunuan ni SPO3 Rey Cocson ang bumuo sa operasyon ng gabing iyon ng Miyerkules Santo.

Habang ang karamihan ay nangingilin sa paghihirap sa krus ng Panginoong Jesus, sina Jamias at mga kasama ay naghahanap naman sa itinuring nilang Judas –walang iba kundi si Macmod.

"Baka gamitin ang kanyang agimat, Sir," sabi ni SPO1 Manlutac.

"Kung may agimat man siya, hindi na niya magagamit ngayon," sabing mariin ni Jamias.

"Mag-ingat din tayo Sir, narinig ko, palaban na talaga ang grupo. Wala nang halaga sa kanila ang buhay," sabi naman ni SPO4 Ramirez.

"Hanggang ngayon nakikita ko pa ang kaawa-awang kinasapitan nina Patagan at Abat at iba pang kasamahan nating pulis. Hindi lang sila kundi pati na ang kanilang mga pamilya. Dapat na talagang matapos ang kasamaan niya..."

Natahimik ang dalawa. Naging mailap ang mga mata habang patungo sa Jacobo St. Malate.

Pumusisyon ang operation teams sa Jacobo, F. Torres, A. Francisco at Espiritu Streets dakong alas-otso. Hinintay nila ang pagdaan ng Pajero ni Macmod.

Dakong alas-diyes ay umalerto sila sapagkat sinabi ng impormante na papalapit na sina Macmod sa kanto ng Jacobo St. at Francisco.

Eksaktong 10:30 p.m. dumating ang Pajero ni Macmod. Nasa layong pitong metro nang harangin nina Jamias sina Macmod. Sinenyasan nilang tumigil pero bala ang isinagot.

(Itutuloy)

Show comments