SI Elmer ang leader ng anti-riot team na nasa vicinity ng US Embassy. Noon ay April 1987, may ranggong tenyente, ginampanan nang maayos ni Elmer ang kanyang tungkulin. Hindi na bago sa kanya ang humarap sa mga ralllyists. Sanay na siyang makipag-dayalogo sa mga ito. Kasama iyon sa kanyang pinag-aaralan bilang pulis.
Dakong alas-dos ng hapon ay dumagsa ang mga rallyista. Sa simula ay paisa-isa lamang, karamihan ay mga estudyante, magkahalo ang babae at lalaki. Nakaantabay lamang sina Elmer at mga kasama. Maximum tolerance ang kanilang ipaiiral. Nang mag-alas-tres ay makapal na ang tao sa bahaging iyon ng Roxas Blvd. ilang metro ang layo sa US Embassy. Maingay. Kahit katindihan ng sikat na araw ay patuloy ang umpukan. Maraming kulay pulang streamers ang nakaladlad at ang iba ay hawak-hawak.
May permit na ang pagdaraos ng rally. Pagsapit ng takdang oras ay kailangang lisanin na ang lugar at kung hindi ay maaari na silang arestuhin, Hanggang alas-singko ang takdang oras. Nang mag-alas-kuwatro ay kumapal pa ang mga tao. May mga nagsasalita na sa grupo. May nagsusunog pa ng effiegy ng US President at ganoon din naman ni Cory. May mga nagmumura.
Nang mag-alas-singko ay wala pang kumikilos para umalis. Noon na sinagawa nina Elmer ang pag-aresto sa mga lider. Nagkaroon ng tensiyon. Nagkagirian. Pero walang nagawa ang mga lider kundi sumuko. Arestado sila. Kabilang sa naaresto ni Elmer si Nathaniel Santiago at ilang lider ng League of Filipino Students.
Nang akay-akay na ni Elmer si Santiago ay hindi sinasadyang nadako ang kanyang tingin sa isang magandang babaing nasa unahan ng isang travel agency. Hindi naman nakikita ng babae si Elmer. Kilala ni Elmer ang babaing iyon ngunit siya man ay nagdududa kung iyon nga si Goody na school mate niya. Malayo na ang nalalakad ni Elmer ay nakatingin pa rin siya sa babae. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib.
(Itutuloy)