MARAMING pagsubok na pinagdaanan si Jamias bago narating ang kanyang kinalalagyang posisyon sa kasalukuyan. Dahil dedicated at responsible sa trabaho, unti-unting umangat ang posisyon, mula sa mababang ranggo na patrolman noong 1983 hanggang 1984 at cadet noong 1984 hanggang 1985, naging tenyente siya noong June 14, 1986, limang buwan makalipas ang EDSA revolution. Hindi naman kataka-taka iyon sapagkat ipinakita niya ang kanyang kakayahan sa mga hinawakang tungkulin. Hindi siya ang tipo ng pulis na tutulug-tulog sa trabaho.
Hindi ilang beses nalagay sa panganib ang buhay ni Elmer para maproteksiyunan ang taumbayan laban sa mga halang ang kaluluwa. Karaniwan na sa kanyang makasagupa ng mga holdaper sa dyipni. At hindi siya umaatras, palibhasay may angking katapangan, lumalaban siya nang sabayan sa mga tirador ng pasahero sa kahabaan ng España St at Taft Avenue. Maingat siya sa pakikipaglaban sa mga holdaper at baka may madamay na sibilyan.
Karaniwan na sa kanya ang makipaghabulan at makipagbuno sa holdaper o snatcher. Dahil marunong sa martial arts at malakas na malakas ang katawan, no match sa kanya ang mga natitiyempuhang holdaper.
Dahil sa mga ipinakitang dedikasyon, naging Platoon Commander siya ng Station 9 ng WPD noong 1986 hanggang 1987 at pagkalipas ng isang taon, naging Deputy Chief siya ng General Assignment Section.
Nang mga panahong iyon, panay na panay na ang parinig ng kanyang ina. Nasasabik na raw sa apo.
"Kailangan ka ba mag-aasawa Elmer?" tanong ng kanyang inang si Aling Elvie.
"Wala pa akong magustuhan, Nanay," sagot naman niya.
"Ang daming babae diyan. Sige ka, kumukunat ka na," sabing nagbibiro ng kanyang ina. Tumatanda na raw siya.
Marami ngang babae pero wala yatang kamukha ni Goody na crush niya noong high school. Saka naitanong sa sarili, ano na kayang balita kay Goody? Baka naging asawa na ito ni Ding na kanyang kaibigan. Matagal na silang walang komunikasyon ni Ding.
(Itutuloy)