PAGKARAAN pa ng isang taon, nasundan pa ang anak naming si Marie Tosh. Sa pagkakataong iyon, isang lalaki naman ang aming naging anak. Lalo nang naging maligaya si Toshi. Hindi siya nagbabago sa kanyang ugali at napaka-lambing at napaka-maalalahanin niya sa akin. Napansin ko rin na mula nang maging mag-asawa kami, nawala na sa kanya ang pagna-nightclub. Kung umiinom ng biru (beer) ay sa bahay na lamang. Pero iyon ay para lamang malibang. Mas gusto pa nga niya nilalaro ang aming mga anak.
Ang turing ni Toshi kay Trina ay parang tunay na anak. Kung ano ang pagmamahal sa aming dalawang anak, ganoon din siya kay Trina. At napansin ko sa pagdaraan ng mga araw, nagiging kahawig na ni Toshi si Trina. Ni minsan naman, hindi ko kinakitaan si Trina na hinahanap ang amang si Roy. Ni hindi naitatanong. Siguro ngay wala na siyang matandaan tungkol sa kanyang ama. Salamat naman at wala nang maaalala pa si Trina. Hindi na niya kailangan ang isang amang iresponsible, addict at iba pa.
Makalipas pa ang tatlong taon ay saka lamang naisipang bumalik ng Pilipinas. Tumagal nang ganoon katagal ang aming pagbabalik sapagkat masyado kaming naging busy sa negosyo. Parang hinipang lobo ang pag-asenso ng food business ni Toshi. At sa lahat ng suwerteng nakamit, ako ang sinasabi niyang naghatid niyon sa kanya.
Nang dumating kami sa Pilipinas ay lubusan akong nakadama nang kapayapaan. Maaliwalas na sa aming bahay na mula nang umalis kami ay si Tatay at si Roy na ang tumira. Ang bahay ni Itay ay pinaupahan lamang niya.
"Kumusta Toshi? Dala mo na ba FX ko na made in Japan?" pagkaraan ay tumawa.
"Ibili kita bukas Tay " sagot ni Toshi.
"Owww, talaga?"
"Talaga Tay"
Hanggang sa madako ang usapan kay Roy.
"Patay na ang addict na iyon," sabi ni Tatay. "Nasaksak sa isang rambulan sa jail. Nakakulong siya dahil sa pagtutulak."
"Matagal na ba?" tanong ko.
"Oo. Kaya wala ka nang katatakutan ngayon. Patay na ang masamang damo..."
Saka lamang ako nakahinga nang maluwag. Ngayoy wala na akong katatakutan. Salamat sa Diyos.
"Kimochi ga yoi," sabi sa akin ni Toshi at mahigpit na pinisil ang aking palad.
(Abangan bukas: Kasaysayan ng buhay ni Supt. Elmer M. Jamias ng WPD aka "Barako")