ISANG malusog na sanggol na babae ang aking isinilang. Normal delivery. Nagkaroon ng katuparan ang pangarap ni Toshi na ang maging anak namin ay babae.
Hindi maipaliwanag ang kasayahan ang nadama at nakita ko kay Toshi nang matapos akong manganak. Para bang noon lamang siya naging ama. Kumakanta-kanta pa siya ng umagang pumasok sa aking silid at ibalita ang aming akachan (baby).
"Magandah siyah, Susie San," sabi na halos mawala na ang singkit na mga mata dahil sa katuwaan.
"Sino ang kamukha Toshi?"
"Ang mata niyah sa akin, ang ilong at lips sa iyo. Kaya ngah gandah. Magandah mixture Japanese-Pilipino."
"Sana makita ko na siya Toshi," sabi ko at yumakap ako kay Toshi.
"Bukas umaga puwedeh mo siya ma-view sa nursery."
Niyakap ko pa siya. Maya-maya umiyak ako.
"Oh bat umiiyak Susie San?"
Hindi agad ako nakasagot. May bara sa lalamunan ko.
"Dapat magsaya kah Susie san. Dito sa Japan, kapag nanganganak ang babae e isang malaking balita. Dapat magsaya dahil maayos na nakapanganak."
"Natutuwa lang ako sa kaligayahan."
Hinalikan ako ni Toshi. Ang masamang alaala ng kahapon ko sa piling ni Roy ay lubusan nang naglalaho. Nawawala na ang pangit na kahapon at lumilitaw na ang bagong sikat na araw sa silangan.
"Ano ba ipapangalan natin sah baby natin Susie San?"
"Ikaw ang bahala," sabi ko.
"Bah ikaw isip. Gusto ko halong Japanese at Pinoy."
"Paano?"
"Ano bah common name ng babae sa Philippines?"
"Maria."
Nag-isip si Toshi.
"So puwede natin bigay pangalan sa baby, Maritosh."
Ang ganda. Sanga-ayon ako.
(Tatapusin)