Sabi ni Au, naiiba raw ang suwerte naming dalawa sapagkat pawang mababait ang aming napangasawa. Walang problema.
Ilang araw bago kami tumulak patungong Japan ay dumalaw sa aming bahay si Au. Kasama rin niya ang kanyang asawang Japanese.
"Tiyak ko mas susuwertehin ka pa kaysa sa akin," sabi ni Au sa akin.
"Bat naman?"
"Mas malaki ang kabuhayan ni Toshi mo kaysa sa asawa ko. Wala kasing business itong asawa ko. Kapag maunlad ka na, isabit mo ako Susie ha?"
"Oo. Ikaw pa e ikaw ang malaki ang tulong sa akin noong gipit kami. Magsabi ka lang."
"Kapag nasa Japan ka na, huwag mo akong kalimutang tawagan ha?"
"Oo."
Nadako ang usapan namin kay Roy. Alam na alam ni Au ang buong istorya ng pagkakagulo sa bahay dahil kay Roy.
"Hindi na kayo ginugulo?"
"Hindi na."
"Natakot na. Pero huwag ka ring kasisiguro at baka naghihintay lamang ng tiyempo. Baka biglang agawin si Trina sa iyo."
Naisip ko iyon. Ngayong ilang araw na lamang at lilipad na kami sa Japan ay baka biglang agawin ni Roy ang anak kong si Trina.
(Itutuloy)