Susie san: Japayuki (Ika-67 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

KAHIT alam kong mahirap na para kay Roy na gantihan ako o si Toshi, natakot pa rin ako. Ang isang sugapa sa droga ay wala na sa katinuan kapag nakadama ng pagkaawa sa sarili. Maaaring sumalakay sa anumang oras at pumatay.

"Umalis na tayo rito Toshi," sabi kong nag-aalala. "Pumunta na tayo ng Japan."

"Okey. Aalis nah tayoh. Pero huwag kang masyadoh worry. Anditoh naman ako Susie san. Hindi kitah pababayaan," sagot ni Toshi na nagbigay ng lakas ng loob sa akin.

"Hindi ka ba natatakot Toshi na nagbanta si Roy na babalik at gaganti?"

"Bakit akoh matatakot? In Japan, mas marami ang sira ulo pero di kami natatakot."

Nagbigay siya ng halimbawa na kapag ang isang Japanese na addict ay nagwala, pati ang kanyang sariling anak ay hindi na nakikilala at papatayin. Papatay nang papatay. Meron na na-depressed lang dahil sa pagkakalugi ng negosyo, nag-hahara-kiri.

"Alam moh Susie San, ang isang nagbabantah karaniwan ay duwag. Kung siya ay gaganti dapat di bah hindi niya sasabihin. Hindi akoh natatakot sa ganyang klase na marami ang salita. Maniwala ka sah akin."

Yumakap ako kay Toshi.

"Matagal ka nang tiis sa lalaking iyon, dapat hindi ka na matakot ngayon..."

"Kasi mahina ako Toshi. Madali akong matakot."

"Iyan ang dapat moh baguhin. Unti-untih dapat marunong ka lumaban lalo pah kung ikaw ay nasasaktan na. Hindi lahat ng panahon ay tiis."

Napaiyak ako dahil sa kaligayahan. Natagpuan ko na nga ang lalaking bagay sa akin. Malakas at maaari akong ipagtanggol. Sa kabila nang malaking agwat ng edad namin, hindi iyon hadlang. Mahal na mahal niya talaga ako. Tama si Au at si Itay, ang isang lalaking nagmamahal kahit na ano pa ang naging nakaraan ng isang babae, hindi nito iintindihin basta’t ang alam niya, mahal niya ang babae. Ganyan si Toshi.

"Kapag nasah Japan na tayoh, ikaw pag-aaralin ko para husay hawak food business. Alam koh suwerte kah sa akin. Payag ka Susie San?"

"Payag na payag."

"Tapos kapag marunong ka nah palakad business, magtayo tayo rito Philippines. Okey?"

"Okey Toshi."

(Itutuloy)

Show comments