Susie san;Japayuki (Ika-65 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

"DON’T worry, Susie San. Mulah ngahyon hindi ka nah masasaktan ni Roy. Pangakoh…" sabi ni Toshi sa pilipit na Filipino. Tinuruan ko siyang mag-Filipino sa mga unang buwan ng aming pagsasama.

Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahang nadama sa pagkakataong iyon. Ang buong akala ko, magagalit siya at susumbatan ako. Hindi pala. Mahal talaga niya ako. Walang pagkukunwari ang kanyang pag-ibig sa akin.

"Kaphag pumuntah siyah ritoh akoh kalaban niyah. Hindi niyah mahihipo ang daliri moh. Akoh na ang kalaban niyah," dagdag pa ni Toshi.

Napaiyak ako sa sinabi niya. Niyakap ako. Hinimas ang likuran. Nang muli akong magtaas ng paningin ay nakita ko na nakatingin sa amin si Trina. Para bang sa mukha ni Trina ay masayang-masaya rin siya sa nangyari na alam na ni Toshi ang tungkol sa aming pagkatao.

Sinabi ko kay Toshi na kailangan ay makaalis na kami dahil baka dumating si Roy galing sa Mindoro. Kung puwede ay lumipad na kami patungong Japan.

"Do’t worry Susie San. Akong bahalah. Relax kah lang,"

"Paano kung manggulo siya?"

"Makikitah niyah."

Nakita ko ang pagdiin ng mga ngipin ni Toshi. Handa siyang harapin si Roy. Para bang wala siyang nadaramang takot.

Ang kinatatakutan kong sandali ay dumating. Kinabukasan ay dumating si Roy sa bahay. Sa tantiya ko, natunugan niya na aaalis kami kaya nagmamadaling bumalik. Wala nga siyang dalang handicraft. Maaaring nahalata na inuuto ko lamang siya.

"Susie, putang ina ka! Alam kong inuuto mo lamang ako," sabi nito na nasa may gate pa lamang.

Hindi ako sumagot. Si Toshi ay nakaabang sa may pinto.

"Hayop ka Susie, buksan mong pinto!"

Si Toshi ang nagbukas.

Nang sumungaw si Roy isang matulis na sipa sa sikmura ang ibinigay dito ni Toshi. Marunong ng martial arts ang asawa kong Japanese.

(Itutuloy)

Show comments