Susie san: Japayuki (Ika-52 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

"HUWAG ka namang manggulo Roy," sabi ko pagkaraan. Nakikiusap ang aking boses.

"Pakiusap, Roy," sabi ko muli.

"Ano bang problema?" tanong nito.

"Huwag ka munang magpakita sa akin habang narito si Toshi,"

"Iyon lang pala eh. Pero sa lagay ko ganoon na lang…"

"Ibibili kita ng scooter. Iyong gusto mo noon."

"Wow okey. Dagdagan mo na rin ng lapad…"

Tumango ako. Inulit ko ang sinabi ko noon kay Roy.

"Basta iyon ang usapan natin. Kapag narito si Toshi, huwag kang pupunta rito..."

"Galing mo talaga!"

Nagkasundo kami. Ibinili ko siya ng scooter. Binigyan ko ng pera. Solved.

Nang dumating si Toshi ay masayang-masaya siya. Paano’y maganda ang naratnan niyang tahanan namin. Pinuri niya ang magandang landscaping sa bakuran na may mga namumulaklak na halaman.

Isa sa mga ikinatuwa ko kay Toshi ay ang pagiging malambing niya kay Trina na itinuring na niyang anak. Pati sina Itay at Tony ay naging kasundo ni Toshi mabait daw ang pamilya ko.

Alam ko nang mga sandaling iyon ay may isang lalaking lihim na sumusubaybay sa kilos ni Toshi —-si Roy.

(Itutuloy).

Show comments