Susie san:Japayuki (Ika-38 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

ANG kasunod pala ng mga pagreregalo ni Toshi ay ang pagtatapat ng pag-ibig. Bagamat inaasahan ko na iyon, kapag aktwal palang sinabi ay nagbibigay din ng kalituhan sa babae. May asawa ako. Iyon nga lang hindi kasal. At saka tinatanong ko rin ang aking sarili, gusto ko ba si Toshi. Hindi kaya nababaitan lamang ako sa kanya kaya magaan ang loob ko. Isang nakagulo ay ang pagkakaroon ko ng anak.

Nagtapat sa akin si Toshi, isang gabing kakaunti pa ang mga kustomer sa club. Mas maaga siyang nagtungo roon. Hindi pa ako naisasalang para kumanta ay dumating na siya. Umorder ng biru at nagsimulang sumimsim. Panay ang sulyap sa akin. Parang may malalim na iniisip. Mabilis na naubos ang inorder na biru.

Naisalang ako sa pag-awit ay walang sinabi sa akin. Habang kumakanta ay si Toshi ang nasa isip ko. Parang hindi mapakali. Natapos ang pag-awit ko. Nagtungo ako sa kinaroroonan niya sa sulok. Malayo sa karamihan.

Pinakikiramdaman ko ang kilos niya nang magkaharap na kami.

Umorder pa ng ikalawang biru. Nang nangalahati ang biru ay saka nagkalakas loob magsalita.

"Aishiteimasu, Susie,"
sabi at parang hindi makatingin sa akin. (Gusto raw niya ako.)

Hindi naman ako nakapagsalita. Ano ba ang gagawin ko sa pagkakataong iyon?

"Watashi o aishiteimasu?"


Ang bilis naman. Kung may gusto rin daw ba ako sa kanya. Parang pilitan na ah!

Nag-isip muna ako kung bago sumagot. Pinrangka ko na. Sinabi kong may-roon akong asawa pero hindi kami kasal. Dosei suru. Mayroon na rin akong isang anak, babae.

Hindi sumagot. Para bang nag-isip.

"Kekkon shimashu,"
sabi ni Toshi. (Pakasal na tayo.)

Gimbal ako. Hindi pa rin ako makapaniwala na ang ganoon kaikling pagkikila ay magbubunga agad sa madaling pagliligawan na ngayon ay naghahamon ng kasal.

Sinabi kong pag-iisipan ang lahat. Ipinaliwanag kong mahirap magpasya sa pagkakataong iyon sapagkat may apektado. Pero malakas ang bulong ng konsensiya. Tanggapin ko na si Toshi! Naguguluhan talaga ako!

(Itutuloy)

Show comments