Susie san; Japayuki (Ika-22 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

"DI ba sabih moh isang balik mo pa sa dyapan at may dyipni na akoh, ngayon, buntis kah at magpapakasal. Puta ka, ba’t nagsinungaling kah," utal na sa pagsasalita si Itay dahil sa kalasingan.

"Itay, huwag kayong sumigaw," sabi ko.

"Puta kah. Siya ba ang bumuntis sa iyo," dinuro si Roy. Iyon ang kinatatakutan kong sitwasyon. Baka magkagulo. Ang lasing ay walang kontrol sa pagsasalita at sasabihin ang lahat kahit na baluktot. Napaatras si Roy.

"Itay, makinig ka naman sa akin…"

"Siya ba ang bumuntis sa’yo? Hoy tarantado, may pangakoh pah sa akin ‘tong anak ko, ba’t pinakialaman moh?"

Binulungan ko si Roy na huwag nang sasagot kay Itay. Pagpasensiyahan na dahil lasing. Nakiusap ako. Alam ko nagtitimpi na si Roy.

"Saan mo bah napulot ang lalaking iyan at mukhang tamad?"

"Itay, pakiusap naman. Tama naaa!" Umiyak ako. Isang paraan iyon para mapigil ko si Itay sa pagsasalita nang kung anu-ano kay Roy. Pero kahit na umiyak ako, patuloy pa rin sa pagsasalita ng kung anu-ano. Walang epekto. Masama talaga ang loob kay Roy na naging dahilan kung bakit hindi matutupad ang pangako kong dyipni sa kanya.

"Ako ang amah, kaya akoh dapat ang unahin, naintindihan mo akoh?"

Nagpasya ako. Kailangang umalis kami. Hinila ko ang kamay ni Roy. Lumabas kami ng bahay. Nadaanan namin ang mga kainuman ni Itay. Narinig ko ang pagsigaw ni Itay.

"Puta ka Susie, walang kuwentang anak! Huwag khang uuwi ritoh!"

Mabilis kaming lumayo ni Roy.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko kay Roy.

"Hindi ko alam," parang inis.

"Sa inyo?"

"Di puwede."

"Saan?"

"Ewan ko nga! Tarantado kasing tatay mo sarap sapakin."

(Itutuloy)

Show comments