PAANO ko malilimutan ang mga matang iyon na kung ititig ay tumatagos sa pagkatao. Walang kakurap-kurap si Cris sa pagkakatingin sa akin na para bang tinitiyak kung ako nga ang kanyang kaharap. Ako may ay hindi rin makakurap sa pagkabigla. Maliit nga lang ang Pilipinas sapagkat sa dami ng tao sa Makati ay nagkita kami.
"Ikaw nga ba Friend?"
Ang tinig niya ay halos walang ipinagkaiba sa kabila nang marami na ring taon na hindi namin pagkikita. Ang huli naming pagkikita ay isang araw makalipas ilibing si Inay. Nagpunta siya sa bahay at sumama sa libingan ni Inay. Nagtirik ng kandila. Mula noon ay hindi ko na nakita. Hanggang sa malaman ko na lamang na ibinenta na ang puwesto nila.
"Ako nga," sagot ko.
"Ang ganda mo Friend..."
Ngumiti lamang ako.
"Bakit narito ka?" tanong na parang sabik na sabik.
"Naligaw ako. Hindi ko malaman kung saan lalabas dito?"
Napahagalpak ng tawa. Napatingin ang isang trabahador na nagkakabit ng linya ng kuryente marahil.
"Siguro, ngayon ka lang napunta rito sa Makati?"
"Matagal akong nawala. Ikaw bat ka narito?"
"Kaming gumawa nitong project na ito."
Naisip ko, engineer nga pala siya. At naisip ko, hindi basta-basta engineer. Alam kong matalino si Cris. Valedictorian ng class nila. Pangarap maging engineer. Hindi ko malilimutan ang tagpo ng magkasukob kami sa payong isang hapong umuulan. Sinabi niyang ibig niyang maging mahusay na engineer.
"Naligaw ako. Saan ba ang daan palabas patungo sa may gawi ng Paseo de Roxas?"
Hindi ako sinagot. Nag-excuse at lumapit sa isang trabahador. Kinausap. Parang binigyan ng instruction ang trabahador. Pagkatapos ay inalis ang helmet at lumapit sa akin.
"Halika at ituturo ko sa iyo ang paglabas."
Hindi ko alam kung bakit habang naglalakad ako sa malinis at magandang underpass na iyon, pakiramdam ko, nakatapak ako sa ulap. Katulad noon, nang magkasabay kaming naglalakad sa gitna ng ulan na bagamat may takot akong nararamdaman noon mayroon namang kakaibang sumisibol sa aking dibdib.
(Itutuloy)