"GANYAN din ang naramdaman ko noon. Masarap kamtin ang tagumpay kapag dumaan sa hirap. Masarap din namang magpatawad," sabi ni Ate Josie sa akin. Hindi nalingid kay Ate Josie ang ginawa kong pagpapatawad at pagkupkop kay Tatay at Ate Neng sa kabila na inapi nila ako noon.
"Inapi rin ako noon. Mas matindi nang tangkain akong gahasain ng unang amo na aking pinagsilbihan bilang katulong. Tumayo muli ako at nagsikap. Pinagpilitan kong buhayin ang mga kapatid ko para mapag-aral. Isang malaking tagumpay ang nakamit ko."
Ikinuwento na ni Ate Josie ang kanyang buhay. Noon lamang niya binuksan para sa akin. Marami pala siyang karanasan. Mas matindi pa sa mga dinanas kong kaapihan.
"Kapag nakaranas ka ng pait sa buhay, iyon ang magiging hagdanan mo para piliting abutin ang pangarap. Mas nakatikim ka ng sakit, mas magaan mong makakaya ang lahat," sabi pa nito.
Tama siya. Ganoon ang naramdaman ko. Kailangang makadama ng sakit ang bawat isa para magaang dalhin ang buhay.
Wala pang anim na buwan ay namatay na si Tatay. Sa tingin ko, namatay siyang maligaya dahil natanggap niya ang patawad ko. Naibigay ko ang kahilingan niyang mamatay sa bahay na matagal din nilang tinirahan ni Inay. Natulungan ko si Ate Neng at ang aking mga pamangkin.
Iyak nang iyak si Ate Neng. Katulad ko rin nang mamatay si Inay noon na nawalan ako ng kakampi. Hindi na ako umiyak sa pagkakataong iyon. Maski si Dang ay tahimik.
Lumipas pa ang ilang taon. Maayos na ang kalagayan ni Ate Neng. Ang tindahan sa palengke ay napaunlad niya. Natuto sa mga pagkakamali. Si Dang ay nalipat naman sa isang malaking company. Ako naman ay mataas na ang posisyon sa advertising company.
Minsan isang gabing nagkukuwentuhan kami ni Dang ay naitanong niya.
"Bakit di ka pa mag-asawa Ate?"
"Wala akong mapili," sagot ko.
(Itutuloy)