"AALISIN ko kayo rito," sabi ko kay Tatay pagkaraan ng may ilang segundong katahimikang namayani sa aming apat. Si Ate Neng ay tuluyan nang umiyak. Si Dang namumula ang mata.
"Huwag na!" sagot ni Tatay, sa kabila na wala nang lakas ay naroon pa rin ang pride. "Okey naman kami rito nina Neng. Di ba Neng?"
Hindi naman sumagot si Ate Neng. Humikbi.
"May sakit kayo. Kailangan ng gamot at doctor," dugtong ko.
"Hindi na. Nararamdaman ko malapit na ako sa hukay."
"Mas lalong dapat kayong umalis dito," diin ko. "Mas lalong madadali ang buhay nyo rito sa lugar na ito."
"Tulungan mo na lamang mga pamangkin mo. Iyan at parang hagdan sa dami. Ako huwag na. Kahit nga ibalot ako sa banig at itapon diyan sa creek diyan, puwede na."
Hindi ko alam kung nahihiya o sadyang ganoon ang kanyang kalooban. Hindi ko inintindi kung ayaw niya. Ang sinunod ko ay ang payo ni Ate Josie na gawin ang makabubuti sa kalagayan ng maysakit na si Tatay at ganoon din sa naghihirap na sina Ate Neng.
Nang lumabas kami sa kuwarto ni Tatay, nalaman ko kay Ate Neng na matagal nang nais makabalik ni Tatay sa dati naming tirahan sa harap ng Sta, Ana Racing Club. Noon pa raw unang ma-diagnose ang sakit nito at nang unti-unti nang pinahihirapan ay lagi nang binabanggit kay Ate Neng na gustong doon uli tumira at kung maaariy doon na rin mamatay. Ang dahilan: Gustong balikan ang alaala ng pagsasama nila ni Inay.
Sumunod na araw, nagpunta kami ni Dang sa dati naming tirahan na nasa harapan ng Sta. Ana Racing Club at nalaman namin na bakante pa rin ang bahay na aming nilakhan. Mula raw nang umalis o pinaalis sina Tatay at Ate Neng dooon ay walang umupa. Ako ang nakipag-usap sa may-ari. Takang-taka ang may-ari nang makilala ako. Pumayag sa gusto kong sina Tatay na uli ang magrenta roon. Ipaayos lamang daw sapagkat bumagsak ang kisame.
Makaraan ang dalawang buwan, nakalipat na muli sina Tatay. Masayang-masaya sa kabila na may taning na ang buhay anim na buwan na lang dahil sa lung cancer. Ikinuha kong muli ng puwesto sa palengke si Ate Neng. Ako ang nagpaaral sa aking mga pamangkin.
Ganoon pala ang naramdaman ng isang tumulong. Masarap sa pakiramdam.
(Itutuloy)