SA isang maayos na apartment na kami tumira ni Dang. Ayaw pa akong paalisin ni Ate Josie sa kanyang bahay pero nagpumilit ako. Sobra-sobra na ang tulong na naibigay niya sa akin. Si Dang ay patuloy na nagtrabaho bilang superbisor sa JOSIES at patuloy din sa pag-aaral. Kahit na sinabi kong maaari na siyang tumigil sa pagtatrabaho at kayang-kaya ko na siyang pag-aralin ay ayaw pumayag.
"Gusto kong makatapos sa sarili kong pagsisikap. Tulad mo rin Ate Sol."
Hindi ko na siya pinigilan.
Ilang taon pa at tapos na si Dang at nakakuha na kami ng isang maayos na bahay sa isang subdibisyon sa Quezon City. Natanggap naman si Dang sa isang malaking hamburger food chain. Si Ate Josie na rin ang nagtulak kay Dang na maghanap ng ibang trabaho na akma sa pinag-aralan.
Kahit malayo na kami kay Ate Josie ay hindi ko nakakalimutang dalawin siya kung Linggo sa kanyang bahay. Kung minsan ay ipagsasama ko siya sa aming bahay at magkukuwentuhan kami.
Isang gabi, dumating ako na nasa salas pa si Dang. May mahalagang sasabihin sa akin.
"Gusto mo pa bang makabalita nang mga nangyari kay Tatay at kay Ate Neng?" tanong sa akin.
"Oo naman. Bakit anong balita sa kanila?"
"Masama."
"Anong masama?"
"Si Tatay may sakit. Si Ate Neng, iniwan na naman ng asawa at may mga anak na parang hagdan sa dami."
Napabuntunghininga ako. Malalim. Patuloy akong nakinig kay Dang.
"Wala na ang ikalawang asawa ni Tatay. Nang malamang may sakit ay iniwan at sumama na sa iba. Naubos lamang ang pinundar ni Tatay. Pati dyip naipagbili. Pati mga alahas ni Inay na ipamamana pala sa atin e ninakaw ng babaing iyon."
Tumigil sa pagkukuwento.
"Kanino mo nalaman ang mga yan?"
"Kay Ate Neng. Ewan ko kung paano niya nalamang nasa McDo ako. Nagulat ako nang makita ang marurusing niyang mga anak. Ang tanda ng mukha ni Ate Neng na halatang hirap na hirap sa buhay."
Napabuntunghininga na naman ako.
(Itutuloy)