"Saan sa Marikina Ate Josie?"
"Sa Calumpang. Alam mo ba iyon, Sol?
Tumango ako.
Doon nga kami nagtungo. Maalikabok ang daan patungo roon sapagkat ginagawa ang mga kalye. Hindi eksaktong sa Calumpang ang punta namin. Dineretso pa namin ang kalsadang tumatagos sa Marcos Highway. Ang bumulaga sa amin ay isang bagong tayong fastfood na kahanay ng iba pang mga establisimiyento roon. Mapulang-mapula sa pagkakasulat ang pangalan ng fastfood: JOSIES FASTFOODS. Nakita ko ang maraming taong kumakain. Nasulyapan ko naman sa kabilang kalsada ang kabubukas na subdibisyon. Maganda ang lokasyon ng fastfood. Paradahan ng mga sasakyan. Malawak ang parking space ng fastfood.
"Diyan tayo, Sol."
Ipinarada ko ang kotse. Bumaba si Ate Josie. Kinakabahan ako. Hindi ko alam na may bago na namang branch ang JOSIES. Malihim si Ate Josie. Laging may sorpresa. Mahusay magmanage ng negosyo at talagang masuwerte. Nagtataka naman ako kung bakit dito kami nagpunta gayong ang hanap namin ay si Dang.
Pumasok kami sa loob. Nakangiti sa amin ang mga nagsisilbing unipormadong serbidora.
"Nasaan si Ate Dang mo?" tanong ni Ate Josie sa isa sa mga serbidora.
"Nasa loob Ate. May ginagawa."
Nagtungo kami sa pinaka-opisina. Kumatok si Ate Josie sa pinto. Matagal bago nabuksan. Halatang busy ang nasa loob.
Hindi naman ako mapakali. Nasa dibdib ko ang hindi maipaliwanag na kaba. Sunud-sunod na kaba.
Nang mabuksan ang pinto ay naroon si Dang. Sa akin nakatingin. Hindi makapaniwala.Masayang-masaya.
"Ate Sol!"
Yumakap sa akin. Hindi ko mapigilan ang mapaiyak sa pagkakataong iyon. Sabik na sabik ako sa kapatid ko. (Itutuloy)