Maria Soledad (Ika-94 na labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

HANDA na ako sa pag-alis sa aming bahay at buo na ang mga plano nang makilala ko ang isang 51-anyos na babae na bumili nang maraming gulay at iba pa sa aming tindahan. Noon ko lamang nakita ang babae. Tinanong ko kung bakit napakarami niyang binibiling gulay.

"May fastfood ako. Lumalaki na at baka sa isang buwan ay magkaroon na ng branch..."

"Ngayon ko lang kayo nakitang bumili rito."

"Yung pamangkin kong lalaki ang madalas bumili rito. Siguro, baka ang nanay mo ang narito kaya hindi mo siya nakita."

"Patay na po kasi ang nanay ko, may isang taon na," sabi ko at hinawi ko ang buhok na nakatabing sa aking mukha.

"Ah, kaya pala sabi ng pamangkin ko, hindi na raw niya nakikita ang babaing tindera at ang pumalit nga raw ay isang magandang dalaga. Anong pangalan mo Ineng?"

"Marisol po. Maria Soledad."

"Ang ganda mo naman. Hindi ka bagay dito sa palengke."

"Gusto ko nga pong mag-aral kaya lamang nag-iipon pa ako."

"Ang tatay mo?"

"Hindi ako kayang pag-aralin?" Gusto ko ring idugtong na hindi naman ako anak kaya nanghihinayang sa gagastusin.

"Gusto mo, magtrabaho sa akin?"

Nanlaki ang mata ko sa narinig.

"Nangangailangan ako ng crew sa fastfood. Maaaring sa isang buwan magbukas ako ng branch..."

"Sige po."

"Sa isang linggo babalik ako rito para matiyak kung desidido ka..."

"Desidido po ako Mrs..."

"Ate Josie na lang."

"Gusto ko po kasing mag-aral sa gabi. Kung sa pagtitinda rito sa palengke, wala akong aasahan."

"Sige, babalikan kita."

Sinabi ko ang mga bagay na iyon kay Dang. At siya man ay tuwang-tuwa.

"Magtawagan tayo Ate kapag naroon ka na."

"Gagawin ko. Huwag mo lang ipaaalam kay Tatay ang kinaroroonan ko."

"Oo Ate."

(Itutuloy)

Show comments