"KAUSAPIN natin si Tatay, Ate," sabi ni Dang na seryoso ang boses, "sayang kung patitigilin ka sa pag-aaral. Sa palagay ko, mas may kinabukasan kung ikaw ang mag-aaral at hindi si Ate Neng."
"Paano kung magalit?"
"Narinig mo ba ang sinabi ni Inay bago siya namatay?"
"Oo. Hindi na nga siya nagpa-chemo para raw mailaan sa ating dalawa ang perang gagastusin sana sa kanya."
"Di ba nangako si Tatay? Hindi ko malilimutan yon Ate."
Napabuntung-hininga ako. Masama ang aking kutob na walang makapipigil sa gusto ni Tatay. Kahit na nangako siya, hindi niya iintindihin iyon at ang sariling kagustuhan pa rin ang susundin. Balewala sa kanya kahit may masugatan. Kilala ko na siya.
"Ako ang kakausap kung natatakot ka Ate Marisol. Hindi tama ang kanyang balak. Alam naman niya na mas may utak ka kay Ate Neng at malaki ang pagkakataon na ikaw ang makakakita ng magandang trabaho. Kung may trabaho ka na, pati kami ay kaya mo nang suportahan. E si Ate Neng, baka mag-asawa uli yan ng iba..."
Napaiyak ako sa sinabi ni Dang. Kahit na mas bata siya ng ilang taon sa akin, mas advance naman ang isip. Iba ang pananaw niya. Mas matigas at makatwiran. Inaamin ko na akoy malambot at madaling masiraan ng loob.
Pagkasabi ni Dang ay mabilis itong lumabas ng kuwarto at madaling bumaba sa ground floor. Ako ang kinabahan sa gagawin niyang pakikipag-usap kay Tatay.
Lihim kong pinakinggan kung ano ang mangyayari. Nagdarasal din naman ako na mabago ang pasya ni Tatay. Gustung-gusto ko talagang mag-aral. Pangarap kong makatapos para makapagtrabaho at makatulong sa pamilya. (Itutuloy)