Maria Soledad (Ika-87 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

TININGNAN ako ni Ate Neng nang makahulugan na para bang hindi naniniwala sa sinabi ni Cris nang sabihin nitong mag-friend lang kami.

"Owww, huwag na ninyong ilihim, hindi ko naman kayo isusumbong kay Tatay," sabi ni Ate Neng na para bang nang-iinsulto. Halatang may laman ang sinabi.

Para maputol ay nag-excuse ako at nagdahilang dadalhin ko sa loob ang anak ni Ate Neng. Subalit nagpaalam na si Cris sa akin. Parang biglang naalinsanganan makaraang makausap si Ate Neng.

"Alis na ako Friend," sabi sa akin at pagkatapos ay nagpaalam din kay Ate Neng.

"Balik ka ha?" sabi ni Ate Neng at tiningnan nang may kalandian si Cris.

Nang makaalis si Cris ay hinarap ako ni Ate Neng.

"Ikaw ha, may itinatago ka palang guwapo"

"Hindi ko siya boyfriend Ate Neng?"

"Huwag ka nang magkaila. Hindi naman ako magsusumbong."

Hindi na ako nagsalita sapagkat naririnig na ng ilang mga naglalamay ang walang kuwentang pinag-uusapan namin. Tinalikuran ko na lamang at dinala ang kanyang anak sa loob. Naabutan ko si Dang na may isinusulat sa notebook. Pangalan ng nakiramay at dalang abuloy.

"Alam mo Dang, ngayong wala na si Inay, parang gusto ko nang umalis sa ating bahay?"

"Bakit Ate Sol?"

"Masama ang kutob ko na hindi kami magkakasundo ni Ate Neng. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin."

"Huwag mo na lang siyang intindihin."

"Kasi para bang nandoon pa rin ang inggit niya sa akin. Hindi ko maintindihan. Kanina, ipinipilit niyang boyfriend ko raw si Cris. Sa tingin ko kanina, gusto niya si Cris. Ewan ko ba."

"Kapag inaway ka niya, kaaway na rin niya ako."

Nakahinga ako nang maluwag. Hinawakan ko nang mahigpit ang braso ni Dang. Siya na ang bago kong kakampi ngayong wala na si Inay.

(Itutuloy)

Show comments