"E ano naman kung may kasama siyang babae?"
"Naiinis ako."
"Ate Marisol, tigilan mo ang crush-crush na yan at baka masampal ka naman ni Tatay."
"Crush lang naman. Anong masama ron?"
"Basta tigilan mo."
"Siguro ang babaing iyon ang nakuha niyang partner sa JS prom," sabi ko pa.
"Nagsisisi ka at hindi ka pumayag na ikaw ang kuning partner."
"Hindi ah."
"Maganda ba yung babaing kasama?"
"Medyo."
"Mas maganda kaysa iyo?"
"Siyempre mas maganda ako."
"Yabang nito," sabi ni Dang at kinurot ako sa braso at pagkatapos ay ibinulong na talaga namang maganda ako. Maski raw sa buong fourth year class ay ako ang mas maganda.
"Paano anak ako ng Arabo," sagot ko naman. Alam na naman ni Dang ang istorya ko. Alam niyang magkapatid lamang kami sa ina. Subalit hindi iyon naging hadlang para hindi kami maging close. Tanging si Ate Neng ang kumukontra sa akin. Naisip ko mabuti ngang nag-asawa si Ate Neng at nabawasan ang alalahanin ko sa buhay. At least, kay Tatay na lamang ako nangingilag.
"Ano bang balak mong kunin sa college Ate?" tanong ni Dang para mawala sa isipan ko si Cris.
"Masscom o kayay nursing. Gusto ko yung nagbo-brodkas sa telebisyon. Kung magiging nurse naman ako, punta ako ng Saudi. Malaki raw ang suweldo ng nurse roon."
"Sana, mag-stewardess ka na lang. Bagay sa iyo dahil sa height mo."
"Ayaw ko. Takot ako. Saka di ba ang mga stewardess daw nagiging kabit ng piloto."
"Oo nga, sa ganda mong iyan, tiyak liligawan ka ng piloto."
Nakarinig kami ng ingay sa ibaba. May nagbukas ng pinto. Si Inay pala.
"Marisol!" tawag nang makapasok.
"Po."
"Ikaw na ang magluto ng kakainin natin. Ang sama ng pakiramdam ko. Parang hindi ko na kaya ang katawan ko."
Noon lamang dumaing si Inay kahit na maghapon sa palengke, hindi siya dating dumaraing.
"Siguro napagod dahil sa pag-aalala kay Ate Neng," sabi ko kay Dang.
"Kanina kasi, nang manggaling ako sa school, naabutan ko si Ate Neng sa tindahan, humihingi ng pera. Ang laki na ng tiyan niya. Kakaawa ang itsura ni Ate Neng "
"Kawawa naman," sabi ko. (Itutuloy)