Maria Soledad (Ika-73 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

KANINA ko pa iniisip ang maaaring maging resulta ng pagsusukob namin sa payong ni Cris. Maaaring makita kami ni Tatay at hinalaing mayroon kaming relasyon. Hindi ko lamang ipinahalata kay Cris at baka malaman pa kung gaano kahigpit si Tatay na wala naman sa lugar.

At akalain ko bang ang aking iniisip ay magkatotoo. Malayo pa lamang ay natanaw ko na ang anino ni Tatay sa bintana ng aming bahay. Nakatingin sa amin. Siguro’y matagal na siyang nasa bintana at ako talaga ang inaabangan.

Habang naglalakad palapit sa bahay ay hindi ko malaman ang gagawin. Ayaw ko namang sabihin ang ganoon kay Cris. Nakakahiya.

Nang malapit na kami sa bahay ay mabilis kong sinabi kay Cris na umalis na agad at baka wala siyang masakyang dyipni.

"Sige na. Salamat."

"Mababasa ka. Ilang hakbang pa o."

"Sige na." Sabi ko at mabilis akong tumakbo sa bahay. Naiwan si Cris na wari ay nagtataka sa aking ikinilos. Alam ko, matagal pa siya bago nakaalis at tiningnan ako bago pumasok. Tiyak na nakita siya nang malapitan ni Tatay.

Ingat na ingat ako nang buksan ang pinto na para bang kaunting kaluskos ay aking kinatatakutan. Alam ko, maaari akong saktan ni Tatay o pagsalitaan ng masakit. Nararamdaman ko. Sa kilos pa lamang ni Tatay sa pagkakatanaw ko sa bintana at alam ko, masasaktan na naman ako. Ganoon man, inihanda ko na ang aking sarili. Sabi nga, hindi masyadong masakit ang suntok kapag alam mong may susuntok sa iyo.

Itinulak ko ang pinto at lumikha iyon ng ingay. Hinubad ko ang aking sapatos at medyas. Basang-basa. Nagtapak na lamang ako paakyat. Nagtataka naman ako kung bakit hindi ko makita si Inay na kadalasang nasa salas sa ibaba sa mga ganoong oras. Pati si Dang ay wala rin yata.

Umakyat ako sa itaas. Hindi pa ako nakasasampa sa huling baytang ay sinalubong na ako nang masasakit na salita. Parang matalim na kidlat.

"Kaya ka pala madalas gabihin, e ang pakikipagligawan ang inaatupag mo ano?"

"Tatay hindi po!"

"Anong hindi? Sinungaling!"

(Itutuloy)

Show comments