Maria Soledad (Ika-71 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong iusap ng nagtapat.)

"HI friend!"

Nagulat ako sa nagsalitang iyon. Nakasakay ako sa jeepney, dakong alas-singko ng hapon. Kalalabas ko lamang sa school. Nag-library ako kaya naatrasado ng uwi. Isang sakay sa amin mula sa school.

Si Cris pala! Hindi ko siya napansin. Nasa dakong unahan ito nakaupo. Sa may likuran ng driver. Nakasakay na siguro siya bago ako sumakay kaya hindi ko napansin. Isa pa’y binubuklat ko ang aking notebook habang tumatakbo ang dyipni.

"Doon ka pala sumasakay," sabi pa ni Cris. Tumango naman ako. Nakatingin sa akin ang iba pang pasahero. Tense na naman ako. Hindi ko malaman kung paano ang gagawing pag-upo.

"Ngayon lang tayo nagkasabay ano? Iyong school namin e doon pa sa dulo – sa public din."

Tumango lang uli ako. Para mawala ang tense ay dinukot ko sa aking bag ang pitaka para kumuha ng pamasahe. Nang makadukot ay iniabot ko sa driver.

"Bayad mama," sabi ko.

Subalit hinarang ni Cris ang pag-aabot ko ng bayad.

"Bayad ka na. Kanina pang umakyat ka."

Iniabot ko sa kanya ang bayad ko.

"Huwag na friend, para yan lang."

"Salamat."

"Marami akong nakupit kay Inay noong Sabado," at pagkatapos ay humagikgik at saka binawi ang sinabi, "joke lang."

Biglang nagdilim ang langit. Kasunod ay ang pag-ulan. Biglang-bigla. Saka ko naalala na hindi ko nadala ang aking folding na payong.

"May payong ka?"

"Wala. Naiwan ko sa bahay."

"Meron ako."

Nakita kong dinukot sa itim na bag ang payong. Napatingin na naman sa akin ang iba pang pasahero.

Lalo pang lumakas ang ulan. Sa aking bababaan ay wala namang waiting shed. May tindahan pero kadalasang maraming tambay.

Pero kailangang bumaba ako at baka mapalampas.

Pinara ko ang dyipni. Nang tumigil ay bumaba ako. Bahala na. Subalit bumaba rin si Cris at nakahanda na ang kanyang payong.

"Sukob na Friend."

(Itutuloy)

Show comments