KINABUKASAN, matindi ang naging problema namin. Wala si Ate Neng. Nadiskubre ni Inay nang gigisingin dahil may pasok sa school. Walang nakahiga sa kama. Maayos na nakatiklop ang kumot at unan. Nagsosolo si Ate Neng sa kuwartong katabi ng tinutulugan namin ni Dang. Kinabahan si Inay. Mabilis na tiningnan ang cabinet na kinalalagyan ng damit. Nawawala ang ilang piraso. Nagsisigaw na si Inay.
"Jun! Jun! Si Neng wala!"
Nagising kami. Akala koy nananaginip ako. Kasunod ng sigaw ay ang boses na malakas ni Tatay na nasa kanilang kuwarto pa ni Inay.
"Anong wala?"
"Lumayas!"
Saka ay mabilis na tumakbo si Tatay sa kuwarto ni Ate Neng. Parang may dumaang kabayo sa bilis ng hakbang.
"Anong sabi ni Inay Ate Marisol?" tanong ni Dang.
"Wala raw si Ate Neng!"
"Baka nagtanan na!"
Saka ay narinig namin ang malalakas na pag-uusap nina Tatay at Inay. Tense ang boses ni Tatay. Naroon ang pag-aalala.
"Baka nasa banyo lang?"
"Galing ako sa banyo. Walang tao roon."
"Baka nasa kabilang kuwarto."
Sumugod sa kuwarto namin si Tatay. Kinabog ang pinto. Bumukas.
"Si Ate Neng nyo nandiyan?"
"Wala po!" halos magkasabay na sagot namin ni Dang.
"Putang-ina! Saan nagpunta ang babaing iyon?"
Lumabas ng kuwarto namin at bumalik sa kuwarto ni Ate Neng.
"May nawawalang damit. Dalawang piraso," sabi ni Inay.
Nanlaki ang mga mata ni Tatay.
"Baka nakipagtanan na ang babaing iyon!" sabi ni Inay.
"Putang-ina!"
Subalit gustong makatiyak ni Tatay. Narinig namin ang pagpanaog niya ng bahay at ang kasunod ay ang pag-start ng kanyang owner jeep. Umalis.
Makaraan ang isang oras ay bumalik. Laglag ang balikat. Nasa salas kami nang dumating si Tatay.
"Wala sa mga classmate niya. Pinuntahan ko na rin ang ilan niyang kaibigan, wala," sabing nanlalambot.
"Tiyak ko nagtanan na iyon."
"Saan hahanapin ang bahay ng lalaking iyon?"
Ako ang sumagot. Sabi koy sa isang squatters area nakatira ang lalaki. Nalaman ko dahil nakasulat iyon sa notebook na hindi sinasadya ay naiwan ni Ate Neng sa kuwarto namin ni Dang. (Itutuloy)