HINDI agad ako nakakilos sa pagkakatayo sa likod ng pinto nang marinig ang sigaw ni Tatay. Nagkatinginan kami ni Dang. Maski si Dang ay alam na ang ugali ni Tatay kapag tumawag nang ganoon kabigat.
"Marisol!" tawag muli ni Tatay.
"Po."
"Bingi ka ba? Lumabas ka diyan!"
"Opo."
Tumingin muli ako kay Dang bago lumabas.
Sa salas nakita kong walang kakurap-kurap si Tatay sa pagkakatingin sa akin. Para bang natitiyak na nga niya na ako ang nagsumbong kay Inay tungkol sa pagbo-boyfriend ni Ate Neng.
"Ikaw ba ang nagsumbong na may boyfriend na ang Ate Neng mo?"
Hindi ako sumagot. Tumingin ako kay Inay. Sa kilos ni Inay ipinahiwatig na huwag akong umamin. Mahaharap ako sa isang malaking problema kapag inamin ko ang lahat.
"Bingi ka ba, Marisol?" tanong ni Tatay na nagpapitlag sa akin. "Ikaw ba ang nagsumbong kay Neng?"
Sukol na ako. Likas sa akin ang hindi marunong magsinungaling. Kahit na pinagbawalan ako ni Inay, nanaig pa rin sa akin na magsabi ng totoo.
"Ako nga po Tatay," sabi ko.
"Totoo bang may boyfriend na si Neng?"
Tumingin ako kay Ate Neng. Matalim ang tingin sa akin. Tumingin ako kay Inay, may pag-aalala sa mukha bunga ng pag-amin ko.
"Opo Tatay. Nakita ko silang magka-holding hands habang nasa escalator patungong second floor ng National."
"Sinungaling ka!" sabi ni Ate Neng.
"Tumigil ka Neng!" sabi ni Tatay na ikinagulat ko.
"Hindi po totoo Tatay ang sinasabi ni Marisol," sabing umiiyak.
Hinarap ako ni Tatay.
"Ano pang nakita mo?"
"Nasundan ko sila sa loob ng bookstore at parang walang pakialam na magkaakbay pa."
"Tang ina! Tumigil ka na sa pag-aaral at mag-asawa ka na lang," sabi ni Tatay kay Ate Neng.
Umiyak si Ate Neng. Hindi inaasahang pagagalitan ni Tatay.
"Hirap na hirap na ako sa pagtatrabaho para ka pag-aralin, tapos ay makikipag-boyfriend ka lang pala!"
Kinabukasan, hindi namin makita si Ate Neng. (Itutuloy)