Maria Soledad (Ika-55 na labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

AKO pa ang lumabas na may kasalanan sa pag-aaway namin ni Ate Neng. Pinagmumura na naman ako ni Tatay. Inaasahan ko na iyon. Sino nga ba naman ang kakampihan ni Tatay kundi ang sarili niyang anak. Ako’y sampid lamang, anak ng Arabo at palamon. Sasarilinin ko na lamang ang sama ng loob. Hindi na ako nagtatanong pa kay Inay nang kung mga anu-anong katanungan sapagkat wala rin naman siyang magagawa. Hindi niya kaya ang galit ni Tatay. Tanggap ko na ang sitwasyong iyon.

Subalit sa lahat ng mga naranasan kong kaapihan, kailanman ay hindi ako naaawa sa aking sarili. Nakapagpatibay sa aking loob ang madalas na sabihin ng isa naming teacher na ang isang taong naaawa at laging sinisisi ang sarili ay hindi magtatagumpay sa buhay. Palibhasa’y mahilig akong magbasa nakapagdag ang mga sinabi ng isang philosopher na "Nothing is hopeless, we must hope for everything."

Lagi akong may pag-asa. Patuloy na umaasa. Nakapagpalakas sa akin ng loob para lalo pang lumaban sa mga pasakit at pagsubok sa buhay.

May mga pagkakataon na naiisip ko, malaki rin ang pagkakamali ni Inay. May pagkakasala rin siya kay Tatay. Pumatol siya sa Arabong amo at ako ang naging bunga. Kung hindi pumatol si Inay, wala marahil ganitong sitwasyon. Wala ako para dumanas ng ganitong pasakit o pagsubok. Kaya nga ang unang tanong ko kay Inay noong malaman ko ang buong pangyayari ay bakit hindi pa niya ako tinunaw kaysa naman magda- nas ako ng kaapihan sa nakamulatan kong ama. Sana’y pina-abort na lang ako.

Nang minsang itanong ko uli iyon kay Inay, nagalit siya sa akin. Ipinamukha na dahil sa akin kung kaya siya tumakas sa among si Mohammed Al-Bishi. Tangka akong kunin kapag daw naipanganak na. Iiwan ako sa Saudi palibhasa’y walang anak. Ayaw ni Inay kaya napilitang tumakas na muntik pang ma-rape ng Pakistanong drayber.

"Dahil sa’yo kaya ako tumakas. Hindi ko kayang mawala sa akin. Tapos sasabihin mong bakit hindi kita ipina-abort."

Napahiya ako kay Inay. Umiyak ako. Bakit nga ba hindi ko nakita ang pagmamahal na iyon sa akin ni Inay? (Itutuloy)

Show comments