Maria Soledad (Ika-37 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

ALAS kuwatro ng madaling araw ay biniyak ang tiyan ni Inay. Nalalaman ni Inay ang mga pangyayari. Malinaw sa kanyang isip. At sa ganoong sitwasyon, ang mga kahaharaping problema ang kanyang naiisip. Habang abala ang doktora at mga attendant kay Inay, ang magiging kinabukasan ng isisilang na anak ang kanyang iniisip. At kahit ayaw niyang isipin, sumisingit din doon ang pagsisisi kung bakit pumayag na magalaw ng among Arabo sa Saudi. Kung hindi siya pumayag, hindi siya magagalaw at maaasembolan. Hindi magkakaroon ng dalahin sa konsensiya dulot nang walang katapusang pagsisinungaling sa totoong nangyari sa kanya sa Riyadh Saudi Arabia sa loob ng dalawang taon.

Naalala niya ang kanina’y tila bantulot na pagpirma ni Tatay sa isang papel na nagpapahintulot na si Inay ay I-ceasarian. Kung wala lamang ang doktora at mga attendant baka masabi ni Tatay, "putang-inang buhay to."

Naisip ni Inay ang magiging gastos sa ospital. Sabagay, mayroon naman siyang pera – yung perang bayad ni Mohammed Al-Bishi sa kanya. Limang libong riyals iyon. Baka sumobra pa iyon sa bayad sa ospital kahit na ceasarian siya. Noon pa man, ang perang iyon na ang balak niyang ilaan sa panganganak. Pagkatapos tanggihan ni Tatay ang pera, sinabi niyang sa sariling sadya sigurong ibinigay iyon sa kanya para panggastos sa "bunga" ng isang Arabo sa kanyang sinapupunan.

Hanggang sa makaramdam siya ng unti-unting pagkawala ng malay. Iyon ay pagkaraan niyang marinig ang usapan ng doktora at mga attendant.

"Babae. Me biyak..." at sinundan ng tawa.

"Oo nga," sagot naman ng isa pa.

Narinig niya ang mga kilos. Hanggang sa marinig niya ang maliit na iyak. At nagtawanan ang doktora at mga attendant. Sunud-sunod pa ang naging iyak ng sanggol.

"Misis, misis, babae ang anak mo," sabi sa kanya ng doktora.

Tumango si Inay. May butil ng luha na lumabas sa kanyang mga mata. (Itutuloy)

Show comments