"SUMASAKIT na ang tiyan ko," sabi raw ni Inay kay Tatay ng gabing iyon, "dalhin mo na ako sa ospital Jun! Manganganak na yata ako."
Dakong ala-una iyon ng madaling araw. Malakas ang buhos ng ulan. Bumalikwas daw si Tatay sa pagkakahiga at mabilis na kinuha ang bag na may mga gamit na matagal nang inihanda ni Inay sakali at dumating ang kanyang panganganak. Ginising si Ate Neng. Inunang ikinarga sa owner type jeep ang bag at pagkaraan ay binalikan si Inay at si Ate Neng. Inakay si Inay patungo sa baba at isinakay sa jeep. Walang patlang ang ulan.
"Ang sakit ng tiyan ko!"
"Huwag kang sumigaw marinig pa tayo ng kapitbahay!"
Hanggang sa maramdaman daw ni Inay may lumabas na tubig sa kanyang ari. Tanda na malapit na siyang manganak.
"Manganganak na ako!"
Pinabilis ni Tatay ang jeep. Binaybay ang eskinita hanggang sa makarating sa may Sta. Ana racing club. Lumusot sa maraming kabahayan. Short cut sa isang maternity clinic na nasa kahabaan ng Pasong Tamo St. Maliit lamang ang clinic. Dalawang palapag. Doon din sa clinin na iyon siya nagpa-check-up. Mas mura roon.
Agad na dinala sa delivery room si Inay sa second floor. Naiwan sina si Tatay at Neng sa lobby.
Natatandaan ni Inay nang ipanganak si Ate Neng ay sa isang ospital sa Quezon City. Nasa isang maayos na kuwarto siya. Normal nang ipanganak niya si Ate Neng. Masayang-masaya si Tatay nang makita si Ate Neng. Kabuuan ng kanilang pangarap.
Dakong alas-tres ng madaling araw ay naghirap umano si Inay sa panganganak. Nagbago ng posisyon ang sanggol. Kailangang i-ceasarean. Naririnig niya ang usapan ng doktora at mga attendant doon. Kailangan ang consent ng mister bago isagawa ang pagbiyak sa tiyan ni Inay. Ipinatawag ng doktora si Tatay.
Maya-maya pa, nakita raw niya si Tatay na nasa harapan niya at nakatingin sa kanya. Iniabot ng isang attendant ang isang papel at pinapirmahan kay Tatay.
"Kailangang i-ceasarean siya Mister. Hindi bumalik sa ayos ang anak nyo at mahihirapan si Misis."
Hindi nagsalita si Tatay. Pumirma lamang umano ito sa papel. (Itutuloy)