Maria Soledad (Ika-30 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

ISANG lumang apartment umano ang pinuntahan nina Inay sa kalyeng nasa unahan ng Sta. Ana Racing Club sa Makati. Hindi kalayuan sa apartment ay makikita ang mga kuwadra ng kabayong pangarera. Marami umanong nakitang bata sa kalye si Inay. Naglalaro. Ang karamihan ay marurumi at may mga sipon samantaang ang mga ina at ama ay naroon din at nagkukuwentuhan. Nang bumaba umano sa owner type jeep sina Inay ay nakatingin sa kanila ang mga nagkukuwentuhang babae at lalaki.

"Mura lang ang upa diyan. Kakilala ko ang may-ari," sabi ni Tatay at inilabas ang susi ng apartment.

"Kailan mo kinuha ‘yan?"

"Matapos kong malaman ang nangyari sa iyo sa Saudi."

"Sino ang titira sa bahay natin?"

"Pauupahan. Yung kikitain doon ang iuupa natin dito. Masakit para sa akin na umalis doon pero ano ang magagawa ko. Ayaw kong mapagtawanan ng kapitbahay natin."

Hindi na umano nagsalita pa si Inay lalo na ng makitang nakasunod sa kanila ang mga mata ng mga lalaki at babaing nagkukuwentuhan sa kalsada. Pumasok sila sa bahay. Amoy amag daw sa loob. Halatang matagal nang walang nakatira. Binuksan ni Tatay ang ilaw. Maganda naman daw sa loob at kaunting linis lamang ay magmumukha na uling bahay.

Nang umakyat daw sila sa itaas ay nagulat daw si Inay sapagkat naroon na pala ang mga gamit nila. Nakatambak sa isang sulok.

"Hindi ko na dinala ang kabinet. Luma na naman iyon."

"Walang nagtanong kung bakit umalis ka sa bahay natin."

"Sabi ko, nakakuha tayo ng bahay sa isang subdibisyon. Kinita mo sa pagsa-saudi," at pagkatapos ay napa-tsk-tsk- si Tatay. "Kung alam lang nila na naagrabyado ako ng Arabo. Putang-ina."

Bumaba si Inay para hindi na humaba ang usapan. Saka lamang napansin na wala si Ate Neng.

"Nasaan si Neng?" sigaw daw ni Inay.

"Kanina lang hawak ko. Hanapin mo."

Lumabas si Inay at nakita raw niya si Ate Neng na nakikipaglaro sa mga sipuning bata sa kalsada. (Itutuloy

Show comments