^

True Confessions

Maria Soledad (Ika-27 labas)

- Ronnie M. Halos -
(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

NANG bumaba ang eroplanong sinasakyan ni Inay sa Ninoy Aquino International Airport galing Riyadh, Saudi Arabia ay lalo nang hindi maipaliwanag na kaba ang kanyang naramdaman. Sa itsura niya na halata na ang pamimintog ng tiyan, hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ni Tatay kapag nakita siya. Kahit na alam na ni Tatay ang "panggagahasa" sa kanya ng among si Mohammed Al-Bishi, hindi pa rin matahimik ang loob ni Inay. Paano siya tatanggapin ni Tatay sa pagkakataong iyon? Maatim kaya ni Tatay na magpakain ng batang hindi naman siya ang ama? Gulung-gulo ang isipan ni Inay at hindi malaman ang gagawin. Sa paglalakad sa arrival area ng NAIA ay hindi niya malaman kung dederetso kaagad sa mga naghihintay na salubong o maghihintay pa sa loob para ihanda ang sarili sa gagawing pakikipagharap kay Tatay. Litung-lito siya.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang isang babae ang lumapit sa kanya, "Misis nahulog ang Immigration card mo," itinuro nito ang card na nasa paanan.

Dinampot ni Inay ang card at nagpasalamat sa babaing empleado marahil sa NAIA dahil sa unipormeng suot.

"Saan ba ang comfort room dito?" tanong ni Inay.

"Doon po sa kabilang side."

Tinungo niya ang comfort room na itinuro ng babae. Sa isa sa mga cubicle ay nagkulong si Inay at umiyak nang umiyak. Gusto niyang sairin ang luha para pagharap kay Tatay ay kalmado na siya. Tiyak niya, may mga mangyayari pa na hindi niya inaasahan. Kilala ni Inay si Tatay.

Lumabas siya sa CR at deretso sa Immigration. Pinresenta niya ang mga dokumentong dala: Passport, OWWA papers at ang maraming papeles na galing sa detention center na nagpapatunay na tumakas siya sa amo. Tiningnan lamang ang papeles ng babaing Immigration officer at tinatakan ang passport. Ibinigay sa kanya makarang tapunan ng tingin. Ni hindi ngumiti.

Lumabas na siya ng airport. Bumaba sa waiting area. Tumingin sa mga naghihintay. Hindi niya makita si Tatay. Sa pagkakatingin niya sa mga taong naghihintay ay parang sa kanya nakatingin lahat. Para bang nakatutok sa kanyang tiyan. Ang tingin ay parang naninisi.

"Linda!"

Napalingon si Inay sa pinanggalingan ng tawag. Si Tatay! Akay nito si Ate Neng.

Lumapit si Inay kay Tatay. Hindi sa mukha ni Inay nakatutok ang tingin ni Tatay kundi sa namimintog niyang tiyan. (Itutuloy)

ATE NENG

INAY

LUMABAS

MOHAMMED AL-BISHI

NINOY AQUINO INTERNATIONAL AIRPORT

NIYA

SIYA

TATAY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with