HINDI maaaring magkamali si Inay na siya ay buntis. Ganuong-ganoon daw ang naramdaman niya nang ipagbuntis si Ate Neng. Bumabaligtad ang sikmura at laging masama ang katawan. At ang pagkatuliro sa problemang iyon ay nagsimula na. Paano ang gagawin niya? Kung matuklasan ni Mariam ang pagbubuntis niya, ano ang mangyayari sa kanya. Lalo na kung malalaman na ang ama ng ipinagbubuntis ay ang asawa nitong si Mohammed. Bakit hindi pa siya nag-ingat? Noon ay naisip na niya iyon. Maaaring mabuntis siya. Pero dahil sa pagkasabik, hindi na niya inisip na mag-ingat.
Ngayon, sapin-sapin na ang problema. Madalas ay nakatingin siya sa kawalan. Paano na siya?
"Kaifa halek?"
Nagulat siya sa tanong ni Mohammed. Bigla itong dumating isang hapon. Nagpapahiwatig na magtalik uli sila.
"Muskila, Mohammed," sagot ni Inay.
"Muskila? Mafi Muskila."
"Alieso be dawakhan," (Ako ay madalas na nahihilo.)
"Maridh?" (Maysakit ka?)
"Enil yawma taqaiyato enda sabah." (Nagsuka ako kaninang umaga."
"Leish?" (Bakit?)
Hindi na umano nagpakiyeme si Inay at sinabi ang kutob na siya ay buntis.
Nagulat daw si Mohammed sa kanyang sinabi. Pero iyon ay saglit lamang. Para bang sa halip na matakot ay natuwa pa sa kanyang sinabi. Para bang hindi problema ang sinabi niya.
"Mafi muskila."
Wala raw problema.
"Gustoh koh anak di bah?" tanong ni Mohammed.
Hindi agad nakasagot si Inay. Hindi niya makuha kaagad ang kahulugan niyon. (Itutuloy)