Maria Soledad (Ika-10 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

ANG ikalawa nilang pagniniig ay mas masarap at nalalasap ang tamis kaysa una. Dahil siguro sa walang inaalalang kalaban na maaaring makahuli. Solong-solo nila ang "motel" na iyon na para bang malayo sa kabihasnan sapagkat napapaligiran ng disyerto at malalaking puno ng dates. Kabisado na ni Mohammed ang lugar. Siguro’y maraming beses nang nakapunta roon.

Mas matagal ang pagsasanib nilang katawan. Ang pagkalunod sa pagsasalong iyon ay hindi nagbigay ng puwang para maalala ni Inay ang kabaitan ng kanyang among babae. Mas masarap ngang kasama si Mohammed na nagbigay sa kanya ng kaligayahang hindi umano naibigay ni Tatay. At kung pamimiliin daw si Inay sa pagkakataong iyon mas gusto niyang kasama si Mohammed. Paano’y mas masuyo pa si Mohammed kaysa kay Tatay. Si Tatay ayon kay Inay ay madaling magalit. Kaunting deperensiya ay nakasigaw. Hindi naman daw ganoon si Tatay noong nanliligaw sa kanya at aywan niya kung bakit nagbago ang ugali. Mahirap ispelingin. Bukod nga roon, hinayaan pa siyang magtungo sa Saudi sa halip na siyang lalaki. Pero naipagpasalamat niyang nakarating sa Saudi at nakilala si Mohammed. Hindi nga niya malilimutan ang ikalawang pagniniig nila ni Mohammed, ayon kay Inay. Mas naging malikot kasi ang pilyong si Mohammed. Maraming alam. Kung titingnan, e hindi makabasag ng pinggan ang kumag subalit mas mabangis pala kung magpaligaya. Sisid Saudi. Marunong na. Mas matagal makipaglaban ang mandirigmang Saudi. Matatag. Matibay. Dahil marahil sa kinakaing dates. Madalas mula nang magkaroon sila ng relasyon, nakikita niyang fresh na dates o tam’r ang kinakain ni Mohammed. Sa bakuran ng bahay ay maraming dates at dito kumukuha ng kinakain. Iyon marahil ang sekreto ng lakas sa pakikipagtalik.

May isang buwan ang nakaraan sa matatamis na pagsasalo. Napansin ni Inay ang mga pagbabago sa kanyang katawan. Sa umaga, tamad na tamad siyang bumangon. Sa oras ng paglalaba ay inaantok. Mas madalas na bumabaligtad ang kanyang sikmura lalo na kapag naamoy ang sahog sa kabsa na niluluto ni Mariam.

"Ma endaki?"


Tanong daw ni Mariam nang biglang sumunod si Inay sa comfort room para sumuka. Bumaligtad ang sikmura niya habang tinutulungan si Mariam sa pagluluto ng kabsang ang halo ay karneng tupa.

"La. La shai,"
mabilis na sagot daw ni Inay. Wala raw.

Pero malakas ang kutob ni Inay. Buntis siya. Nagbunga ang kanilang pagsasalo ni Mohammed. Pinawisan siya ng malamig. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.

(Itutuloy)

Show comments