MABAIT ang mag-asawang Mohammed at Mariam ayon kay Inay. Naisip daw ni Inay, sino kaya ang nagpakalat na masasamang tao ang mga Arabo sapagkat nang-aabuso sa maid na Pinay. Wala siyang makitang masamang ugali sa mag-asawa. Napakabait at hindi katulong ang turing sa kanya kundi isang kapatid.
"Lindah, huwag kah masyadoh pagod kasi baka kah mahomsik," sasabihin daw sa kanya ni Mohammed lalo na kapag nililinis niya ang marmor na sahig.
"Tama bah ang salitah koh?"
"Tama po, moder,"
"Huwagh moh ako tawag moder. You are my sister. We are all brother and sister, okey?"
"Okey."
"Mafi muskila, Lindah?"
"Mafi muskila."
"Akoh bah makulit?"
Hindi po."
Maski si Mariam ay wala siyang maipipintas sa ugali. Kung gaano kaganda ang mukha nito, ganoon din kaganda ang ugali. Moderno na ang pananaw sa buhay na hindi katulad ng ibang Arabyana o Saudia na nakabalot pa rin ng makalumang paniniwala o kaugalian. Mas bukas ang isipan ni Mariam at nalalaman ang damdamin ng kapwa.
"Take a rest, Linda," sinasabi nito sa kanya lalo na kapag nakikita na napakarami niyang nilalabhang damit o hinuhugasang pinggan. "Hindih mauubos ang trabahoh ritoh. Huwag khang lipas ng gutom," sabi pa sa pilipit na Filipino.
Kung ganoon daw ang lahat ng Arabo, naisip ni Inay baka nag-apply na lahat ang Pinay para magtrabaho sa Saudi Arabia.
Pareho kasing propesyunal ang dalawa. Si Mohammed nga ay isang colonel sa Saudi Navy at isang teacher naman sa isang school na pambabae si Mariam. Nalaman niya ang mga ito batay sa pagkukuwento sa kanya ni Mariam. Kapag nasa kusina silang dalawa, nagkukuwento ng kanilang buhay. Parang kapatid nga ang turing sa kanya. Hindi na siya itinuring na iba pa.
Pero sa tingin niya at pakiramdam, kaiba ang pagtingin sa kanya ni Mohammed. Ewan daw ni Inay kung bakit. (Itutuloy)