Maria Soledad (Ika-6 na labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

NANG awtomatik na magbukas ang pintong bakal na gate ng bahay nina Mohammed Al-Bishi ay hindi raw makapaniwala si Inay sa laki nang bumulagang bahay. Malaki pala ang bakuran sa loob na natataniman ng mga iba’t ibang puno at may mga gumagapang na halaman. Nakalatag ang Bermuda grass. Kulay puti ang bahay na kaiba kaysa sa desenyo ng mga bahay sa Pilipinas. Parang kaha ng posporo subalit ang kakaibang desenyo ng bintana at pinto ay nagpapakilalang sa isang maykaya sa buhay ang nagmamay-ari. Kulay puti iyon na lalong tumingkad sa maraming ilaw na nakapaligid. Sa gabi ay lumalaban ang matingkad na puti.

Tumigil ang Pajero at hindi raw makakilos si Inay sa pagkakaupo sa hulihan.

"Ta fad-dal,"
sabi raw ni Mohammed. At saka lamang naalala na hindi nga pala marunong pa ng Arabic si Inay. "Come on," sabi raw nito.

Saka pa lamang kumilos si Inay para bumaba. Binuksan ni Mohammed ang pintuan sa likuran at kinuha roon ang maleta ni Inay. Subalit mabilis na nakalapit si Inay at inagaw kay Mohammed ang maleta.

"Ako na po, Sir."

"It’s okey. Hindih naman mabig-at," sabi sa pagaril na Filipino ni Mohammed.

Ipinasok iyon sa bahay. Pinasunod si Inay. Marmol ang suwelo mula sa labas hanggang sa loob ng bahay. Pagdating sa loob ay makikita na ang karangyaan. Maraming gamit. Sa tingin niya ay mga antigo ang gamit. Sa dingding ay may mga oil painting na nakasabit. Mga painting ng mga Arabian horses na sama-samang tumatakbo at sa kabilang dingding ay kabayong nagbabangayan.

"Entedar,"
sabi ni Mohammed. Kahit hindi alam ang kahulugan niyon, nahulaan ni Inay na pinaghihintay siya. Nakita niyang umakyat sa hagdan si Mohammed sa marmol na hagdan na ang hand railings ay stainless at may kakaibang desenyo. Tatawagin marahil ang asawa.

Hindi raw umuupo si Inay sa sopang naroon. Malay daw ba niya kung ano ang ugali ng mga Saudi. Baka ayaw ng mga ito na maupo kaagad ang taong dumarating sa kanila lalo pa at isang domestic helper.

Makalipas ang ilang minuto ay nakita na niyang palapit si Mohammed at ang asawa nito. Ang babae ay maganda, katamtaman ang taas at hanggang balikat ang buhok. Sa tipo ay mabait at ang edad ay mahigit lamang sigurong 30.

Ipinakilala ni Mohammed ang asawang si Mariam. Nagmagandang gabi raw si Inay sa babaing amo.

"Laila tak sa, ida’’,
sagot naman daw nito na at saka sinabi sa Ingles. "Good evening. How are you?"

"I am very fine," sagot naman ni Inay na nakaiintindi rin ng kaunting sa Ingles.

Makaraan iyon, sinamahan na raw si Inay ni Mariam sa magiging kuwarto niya. Nakabuntot naman si Mohammed na hinahatak ang maleta. (Itutuloy)

Show comments