Maria Soleda (Ika-5 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

INAMIN ni Inay na wala talaga siyang interes na mag-Saudi. Paano’y noon pa man ay nakababalita na siya ng mga masasamang ginagawa ng Arabo sa mga domestic helper. Mayroong pinaplantsa ang mukha, binubuhusan ng mainit na tubig at ang matindi, ginagahasa. Subalit ang kahirapan na rin ng buhay ang nagtulak para magpunta sa Saudi. Ayaw ni Tatay kaya siya na lamang ang makikipagsapalaran. Gusto pa raw ni Inay magtampo kay Tatay sapagkat naatim na siya ang pag-aplayin sa Saudi sa halip na siyang lalaki.

Pagkukuwento ni Inay, nang nasa airport na sila ay parang ayaw na niyang tumuloy patungong Saudi. Ayaw niyang maiwan si Ate Neng na noon ay isang taong gulang pa lamang. Masakit para sa isang ina na iwan ang anak. Palihim niyang ibinulong kay Tatay ang nararamdamang lungkot at ang balak na pagbackout. Nanlaki raw ang mga mata ni Tatay.

"Gusto mong idemanda ka ng agency? May pinirmahan ka na sa kanila. Nagkagastos na sila."

Saka pa lamang daw natahimik si Inay.

"Ako na ang bahala sa anak natin. Hindi ko siya pababayaan," sabi ni Tatay. Gusto raw sabihin ni Inay kay Tatay, "Ba’t hindi ikaw ang mag-Saudi?" pero hindi na niya sinabi. Ano pa ang magagawa ng paninisi e nasa airport na sila at ilang oras na lamang ay lilipad na ang Saudia Airlines.

Hindi umano sila nagkasama ng kaibigang nagyaya para mag-DH. Pagdating sa Riyadh, sa ibang pamilya pala ang kaibigan niya. Nakadama ng lungkot si Inay.

Sinundo siya sa King Khaled International Airport ng amo niyang si Mohammed Al-Bishi. Ang nasa isip niya ay matanda na ang magiging amo niya, hindi pala. Sa tantiya, niya mga 35 anyos si Mohammed. Guwapo. Maputi. Manipis ang bigote at matangos ang ilong. Halatang may pinag-aralan.

"Kamustah, Filibin?" tanong daw nito sa kanya.

"Mabuti," sagot naman niya.

Ang bahay ng kanyang amo ay may isang oras takbuhin ng kotse mula sa King Khaled International Airport. Tinumbok nila ang highway na patungong Dammam at sa isang lugar na napapaligiran ng napakaraming tanim na dates at maraming namumulaklak na tanim ay narating nila ang malaking bahay ni Mohammed. Huminto ang Pajero ni Mohammed sa gate at kusang bumukas iyon.

Hindi makapaniwala si Inay sa malaking bahay na kanyang nakita.

(Subaybayan)

Show comments