SUMULAT ako kay Ate at ganoon din kay Ninang Violy. Marami akong ikinuwento sa kanila tungkol sa mga pangyayari sa aking buhay dito sa Hong Kong. Sabi ko kay Ate, masaya ako. Tama siya na mula nang umalis ako sa Pilipinas ay nakadama ako ng katahimikan ng kalooban. Hindi ko na gaanong naalaala ang mga bangungot na nilikha nina Inay at Rocky. Sabi ko pa, kung sinunod ko siya noon, baka matagal na akong naka-recover at noon pa nalimutan ang kirot na hatid ng tinik.
Wala naman akong inilihim kay Ate sa aking pakikipagrelasyon sa isa na namang babae kay Lucita nga. Sabi ko, kaiba si Lucita sa dalawang babaing nakarelasyon ko. Binanggit kong dating may asawa si Lucita subalit hiniwalayan na dahil iresponsable. May isang anak si Lucita. Kaya nasa Hong Kong si Lucita ay para rin malimutan ang masamang bangungot na hatid ng walanghiyang asawa.
Sinulatan ko rin si Ninang Violy at ikinuwento ang mga nangyayari sa sa akin sa Hong Kong. Nang sagutin ni Ninang ang aking sulat ay ikinuwento rin ang mga nangyayari kay Inay at Rocky. Mas masama ang balita sapagkat lulong na raw sa droga si Rocky. Marami pang ikinuwento. Bawat sulat ni Ninang ay tungkol sa dalawa ang ikinukuwento.
Madalas akong ipagsama ng aking amo kapag nagpupunta sa ibang bansa kaugnay ng negosyo. Umunlad pa ang kanilang shop at wala akong problema. Okey naman ang pagsasama namin ni Lucita. Ilang taon na ako sa Hong Kong at hindi ko iniisip na umuwi.
Ilang taon pa ang lumipas. Minsang sumulat si Ninang Violy ay matindi pa ang balitang hatid. Nakakulong si Rocky sapagkat nahulihan ng droga. Pusher pa pala bukod sa user. Tungkol kay Inay, wala nang gaanong balita sapagkat umalis na sa aming lugar.
Tinawagan ko na si Ate sa telepono at ako na mismo ang nagbalita ng mga sinabi ni Ninang Violy.
"Alam ko na. Nakaganti na ako. Siguroy matatahimik na akong lubusan ngayon," sabi ni Ate at halata sa boses ang kasiyahan.
"Wala na raw balita kay Inay," sabi ko pa.
"Mas mabuti yon para tuluyan nang wala tayong maalaala sa kanila."
(Tatapusin na bukas)