Koronang tinik (Ika-106 labas)

(Kasaysayan ni Gina, isang domestic helper sa Hong Kong. Ang mga pangalan at lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago sa pakiusap ni Gina.)

SI Ninang Violy ang nagkuwento kay Ate ng mga nangyayari sa probinsiya – tungkol kay Inay at Rocky. Kung paano sila nagkita ni Ninang Violy ay hindi na sinabi sa akin ni Ate at mas binigyan ng importansiya ang mga ikinuwento ni Ninang.

"Naubos na ang kabuhayan natin, Gina," iyon ang nasa simula ng sulat ni Ate. "Ang bahay at lupa ay naipagbili na ni Inay. Pati ang taniman ng saging at niyog ay ubos na rin. Ipinagbili nang mura lamang. Ang nakabili ng lupa at bahay ay isang pinsan ni Tita Violy na kagagaling lamang sa Canada. Ang taniman ng saging at niyog ay ang dating mayor daw. Umano’y maraming pagkakautang dahil sa pagsusugal si Rocky. At sabi pa ni Tita Violy, malakas ang tsismis na nagsa-shabu si Rocky.

"Nakatira na lamang sila sa isang maliit na apartment. Wala na rin umano sa DPWH si Rocky sapagkat nasangkot sa anomalya roon. Pinatalsik at may kaso pa yata. Hindi masyadong nilinaw ni Tita Violy ang pagkukuwento sapagkat alam niyang masamang-masama ang loob ko. Ikaw ang hinahanap ni Tita Violy. Bakit hindi mo man lamang daw siya sinusulatan. Hindi raw niya alam na nariyan ka na sa Hong Kong. Sulatan mo raw siya.

"Sabi pa ni Tita Violy, dalawa na ang anak nina Inay at Rocky.

(Itutuloy)

Show comments