OKEY lang siguro kung sa lalaki pumatol si Chona. Matatanggap ko iyon at hindi gaanong masakit sa dibdib. Pero sa isa ring tomboy na katulad ko siya nakipaglandian. Itinuloy din ang banta noon na hahanap siya ng iba iyon nga lang, tibo rin pala ang dedelihensiyahin. Sa pag-iimbestiga ko, may kaya ang tibo na pinatulan. Nagtatrabaho sa Customs at may-ari ng ilang taxi.
Nagsimula kong mapansin na may ibang nilalandi si Chona nang sunud-dunod na gabi ito kung umuwi. Aalis ng maaga at gabi na babalik. Nag-aapply daw ng trabaho. Nang tangkain ko namang sumama ay mahigpit ang pagtutol.
"Kaya ko na. Maghanap ka na lamang ng ibang pag-aaplayan," sabi pa na para bang may itinatago sa himig ng pagsasalita. Kung noon ay ayaw mag-apply ng trabaho kung hindi ako kasama, kabaligtaran naman ng ipinakikita niya.
Mahusay maglihim si Chona. Sa gabi ay hindi ko nakikitang inihahatid ng tibo sa bahay. Nahulaan kong sa kanto siya ibinababa at naglalakad na lamang patungo sa bahay para hindi ko mahalata. Isa pang patunay na may karelasyong iba ay nang makita ko ang ilang piraso ng bagong damit na nakatago sa pinaka-sulok ng kabinet para marahil hindi ko makita.
Ganoon man hindi ko siya kinumpronta tungkol doon. Naghintay ako ng pagkakataon para mahuli sila sa akto.
Isang umaga ay maaga akong umalis ng bahay. Pero paraan ko lamang iyon. Alam kong aalis din si Chona sa araw na iyon para makikipagkita sa tibo. Tumambay ako sa may lugawan sa kanto para abangan ang pag-alis ni Chona.
Kalahating oras ang lumipas ay nakita ko na si Chona at nakabihis. Nakihalo ako sa mga kumakain sa lugawan para hindi mapansin ni Chona. Ilang minuto pa ay isang kotse ang dumating. Bago ang kotse. Kinawayan ni Chona. Lumapit si Chona sa kotse at mabilis na sumakay. Mabilis na umalis ang kotse. Parang dinurog ang puso ko.
Kinagabihan, inabangan ko muli sa kanto ang dalawa. Dakong alas-nuwebe ay dumating. Desidido na ako. Aawayin ko na si Chona.
Nang bumaba si Chona sa kotse ay mabilis akong nakalapit at inupakan ng sampal.
"Tang-ina mo!" sigaw ko.
Sa lakas ng sampal ay halos matumba. Bumaba ang kasamang tibo at tutulong. Malaking babae pala. Pero sa galit ko, hindi ko na inintindi kung malaki ang kalaban. Nang lumapit ay tinadyakan ko ang tibo. Sapol sa sikmura. Hindi nakakilos sa bilis ng pangyayari.
(Itutuloy)