TULUYAN nang nagsama si Inay at si Rocky!
Iyon ang ikinuwento sa akin ni Ninang Violy nang magkita kami sa Tutuban shopping center, isang araw ng Linggo. Namimili ako ng damit noon. Si Ninang ang unang nakakita sa akin. Nakapamili na siya ng mga gamit sa kanyang canteen sa DPWH.
Nasa mukha ni Ninang ang kasiyahan nang makita ako. Para bang sabik na sabik. Ako man ay tuwang-tuwa sapagkat sa katauhan niya ay parang nakita ko ang isang mapagmahal na ina.
"Ang laki ng ipinagbago mo Gina," sabi ni Ninang. "Tumaba ka at gumanda!"
"Wala na kasing gaanong problema Ninang. Kumusta ka, Ninang?"
"Mabuti naman. Ikaw, kumusta?"
Sinabi kong may trabaho na ako P.E. teacher.
"Ang ate mo?"
"Okey naman Ninang."
Bago pa napunta sa malalim na pagkukuwentuhan, nahila ko na ang kamay ni Ninang patungo sa McDo.
"Doon tayo magkuwentuhan Ninang. Masyadong maingay dito."
Pumasok kami sa McDo. Nag-order ako.
Nang nagsisimula na kaming kuman saka natuloy ang pagkukuwentuhan. Tungkol nga kina Inay at Rocky. Ayaw ko na sanang may marinig pa tungkol sa kanila pero kailangang pakinggan ang kuwento ni Ninang. Detalyado ang pagkukuwento ni Ninang. Walang labis at walang kulang.
"Hayagan na ang pagsasama nila, Gina. Hindi na sila nahihiya. Hindi maaaring makaligtas sa akin ang mga nangyayari sapagkat maging sa DPWH ay kalat na kalat na ang lahat..."
Patuloy ako sa pagkain. Nakikinig ako. Naiimadyin ko ang ikinukuwento ni Ninang.
"Parang mag-asawa na talaga ang turingan nila. Sa umaga, maririnig ko ang kanilang pag-uusap. Maaaga kasi akong nagigising kaya nakasubaybay ako. Sa tingin ko, balewala sa kanila ang nangyari. Kahit na may usap-usapan, hindi nila iniintindi..."
Patuloy ako sa pagkain at pakikinig kay Ninang. Hinayaan ko na lamang kung ano ang kanyang ikukuwento tungkol kina Inay at Rocky.
"Ang masaklap niyan, pinagkakatuwaan sila ng ilang mga tambay at kabataan. Lalo pa ang inay mo, parang binabastos na. Di na iginagalang. Sabi ng anak kong binata, may pagkakataon na binobosohan ng ilang tambay habang "naglalampungan" ang inay mo at si Rocky..."
Napabuntung-hininga ako sa bahaging iyon ng kuwento ni Ninang. (Itutuloy)