ANG mga napansin kong makahulugang tingin ni Inay kay Rocky hindi ko siya tinawag na Kuya) ay hindi ko naman binigyang kahulugan noon. Palibhasay bata pa ako at wala pang kamuwang-muwang sa mga bagay na may kinalaman sa relasyon ng babae at lalaki. Siguroy natuon lamang ang paningin ni Inay kay Rocky dahil sa madali itong magbigay ng desisyon at suhestiyon sa nangyari nila ni Ate. Siguro rin kaya biglang nawala ang galit na naramdaman ni Inay ay dahil may concern pa ito sa pag-aaral ni Ate. At nag-suggest pa nga na siya na ang magpapaaral. Mabilis mag-isip at talagang seryoso sa balak na pagpapakasal kay Ate. At sino ang hindi mawawala ang galit lalo na nang pumayag na sa aming bahay na sila na tumira. Ang pagpayag nilang tumira sa bahay ay isa mga ikinatuwa ni Inay. Paanoy dahil sa magiging apo niya.
Sumunod na buwan ay ikinasal sina Ate. Ang kasalan ay isa sa mga marangya sa naganap sa aming bayan. Malaki na ang ipong pera ni Rocky kaya naging marangya iyon. Mayroon din namang nakatabing pera sina Tatay kaya naging marangya iyon. Sabi nga ng mga kapitbahay at kakilala namin, isa raw sa may pinakamagandang trahe de boda si Ate. Sa isang sikat na baklang designer sa Maynila ipinagawa ni Rocky ang damit. Hindi pa naman halata ang tiyan ni Ate kaya maganda pa rin ang lapat sa kanya ng trahe. Nang inihatid na sa altar ni Tatay si Ate ay nakita ko sa mukha niya ang matinding kasayahan. Para bang iyon na ang pinakamaligaya niyang naranasan. Si Rocky naman ay lalo nang naging guwapo sa suot na Barong Tagalog. Naging kapuna-puna ang matangos na ilong na bumagay sa singkit na mga mata. Ang manipis na bigote ay nagbigay ng pang-akit at lalong naging makisig.
Napansin ko na naman sa pagkakataong iyon ang nakapagkit na tingin ni Inay kay Rocky. Sa tingin ko ay guwapung-guwapo siya kay Rocky. Ewan ko kung ano ang nadarama ko pero kakaiba. Hindi ko maipaliwanag kung ano iyon. (Itutuloy)