Koronang tinik (Ika-8 labas)

(Kasaysayan ni Gina, isang domestic helper sa Hong Kong. Ang mga pangalan at lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago sa pakiusap ni Gina.)

HINDI ko alam kung bakit si Inay ang tinuhog ng bayaw kong si Rocky. Marami namang iba. Hindi na niya iginalang. Baka naman si Inay ang nagpakita ng motibo. Postoryusa kasi si Inay. Maboka. Malakas kung tumawa. Aywan ko. Siguro’y dahil parang nagkakalapit ang edad nila. Si Inay ay 36 lamang noon at si Rocky ay mahigit 30. Laging sila ang naiiwan sa bahay. Palibhasa’y malapit lamang ang opisina ng DPWH at maaaring magpatanghali si Rocky sa pagpasok.

At parang makikita kong muli ang tagpong nasilip ko sa kuwarto. Dalawang hubad na katawan at magkapatong. Nasa ilalim si Inay at ang aking bayaw ang nasa ibabaw. Hayop ka Rocky! Bakit ikaw pa ang umipot sa ulo ni Tatay! At ang aking ate. Napakabait ni Ate para traidurin.

Wala naman akong napansing palatandaan noon na hahantong sa isang masamang bangungot ang lahat. Si Inay ang nakabisto nang pagbubuntis ni Ate. Napansin ang madalas na pagkahilo nito at ang pananamad na lumuwas ng Maynila kung Lunes para pumasok. Kasunod ay napansin na hindi na nireregla. At kinumpronta kung totoo ang hinala. Umiyak si Ate. Nang ipagtapat ang kalagayan ay saka naman nag-hysteria si Inay. Kung kailan alam ang katotohanan ay saka nabigla na para bang namatayan.

"Putang ina sino ang bumuntis sa iyo?" malakas ang boses na parang makababasag sa taynga.

Matagal bago nasabi ni Ate. Kailangan munang sampalin ni Inay. Si Tatay ay nasa munisipyo na noon. Ako ay walang pasok sa school. Nasa pintuan ako ng kuwarto.

"Sino ang putang-inang iyon. Kaklase mo?"

"Hindi po. Si Rocky po."

"Sinong Rocky?"

"Yung Engineer po na nakatira sa may plaza."

"Malandi ka. Akala namin ay wala kang kibo iyon pala’y malandi ka."

Sampal uli at gusto kong pigilan si Inay subalit hindi ko ginawa. Nagkulong ako sa kuwarto. At kahit na nasa kuwarto na ako ay naririnig ko pa ang walang tigil na pagmumura ni Inay. Kawawa naman si Ate. Kung bakit kasi nagpabuntis kaagad. Parang mauubusan ng lalaki.

Nang dumating kinahapunan si Tatay ay lalo pang naging maingay si Inay. Pati si Tatay ay sinermunan. Masyado raw itong tahimik kaya naging malandi si Ate.

"Magalit ka naman. Magsalita ka naman putang inang buhay ito!" sabi ni Inay kay Tatay. (Itutuloy)

Show comments