KAKAYANIN niya ang lahat dahil sa tulong ng Diyos. Iyan ang matibay na paniniwala ni Supt. Sapitula. Walang imposible kapag hiniling sa Diyos na patnubayan siya sa lahat ng oras. Diringgin siya. Gaano na ba karaming panganib ang sinuong niya at nalampasan niya iyon dahil sa matibay na pananalig. Inamin ni Sapitula na hindi siya relihiyosong tao. Hindi siya regular na nagsisimba pero hindi niya kinalilimutan na merong isang Makapangyarihang Diyos na nakatingin sa kanyang mga kilos. Hindi niya nalilimutang may Diyos.
Ang pagiging masipag na taglay niya sapul pa sa pagkabata ay taglay pa rin niya hanggang ngayon. Palibhasay lumaki sa hirap kaya ang kasipagan at pagiging matiyaga ay nangingibabaw pa rin sa kanya. Pinalaki sila ng mga magulang na kailangang pagpawisan ang lahat ng kikitain. Naalala ni Sapitula ang sinabi ng kanyang mga magulang, na mas masarap kainin ang buhat sa pinagpaguran. Iyon ang isa sa mga nakatanim sa isipan ni Sapitula.
Hindi ikinahihiya ni Sapitula na magpahanggang sa kasalukuyan ay nasa kanyang isipan pa rin ang pagiging masipag at matiyaga. Inamin niya na kapag sumasapit ang Disyembre, ay nagtitinda silang mag-asawa ng prutas. Palibhasay ang gawaing iyon ay isa sa mga nakamulatang pinagkakakitaan sa La Union noong panahon ng kanyang kabataan, hanggang ngayoy iyon pa rin ang kanyang ginagawa. Malaking tulong din ang ekstrang kita para sa kanyang pamilya. Ganyan siya kasikhay at kasipag.
Kung pag-uusapan ang kanyang pagiging asawa at ama, isa siya sa pinakamabuting asawa at ama sa mundo. (Itutuloy)